Sunday, December 20, 2015

Tunay na PILIPINO Ka nga Ba?


Sino ba ang tunay na Pilipino?

Sino nga ba ang tunay na Pilipino? 

Napapanahong paksa, ito ang tanong, 
Matangkad ba siya, matangos ang ilong?
Sa kanyang balat, siya ba’y makikilala,  

Sa anyo o hugis ng mukha ba?
O, sa paglakad at mga galaw niya?

Sa tunog at punto ba ng pananalita?
Madaldal ba o sadyang umid ang dila?
Siya ba'y mahiyain o magaslaw sa kapwa? 
O, nagyayabang ba na marami siyang titulo,
Pati na lupa, saka bahay, at mga negosyo?

Sa taas ba at uri ng kanyang trabaho?
O, sa limpak-limpak na kuwarta niya sa bangko? 
Malakas daw ang kapit niya sa ating gobyerno.
Kaalyado ang hepe ng pulis at mga pulitiko,
Tongpats din niya ang mga huwes at kaututang todo.

Tinanong ko ang trabahador sa pabrika,
Sumagot ito na may luha sa mga mata.
Pabulong na dumaing, agrabiyado sila.
Sobra sa oras, kulang sa kita, at bigkas nito,
"Ang tunay na Pilipino," ay hindi manloloko!"

Tinanong ko ang tindera sa palengke,
Biglang rumatsada at ito ang sinabi,
"Ang tunay na Pilipino," alam na alam ko,
Tinatangkilik, bumibili ng sariling atin,
Para makatulong, at umunlad ang bansa natin!” 


Tinanong ko ang maestra sa eskuwelahan,
Englog ang sagot at halatang nayayamot. 
"Ang tunay na Pilipino," "according" sa kanya,
May "nationalism" sa puso't kaluluwa.
Mapaglingkod, "charitable" at maka-kalikasan pa!"

Tinanong ko ang matapat na negosyante,
Sa negosyo, sang-ayon sa kanya,
"Ang tunay na Pilipino," ay hindi mandaraya,
Una ang pagtulong, pangalawa ang serbisyo,
Anuman ang kalabasan nito, naroon ang kita mo." 

Tinanong ko naman isang butihing madre,
At eto ang kanyang magalang na pasintabi,
Ang tunay na Pilipino," sa paniwala ko,
Maka-Diyos sa lahat at saka makatao, 

Hindi humahamak, ni tumatapak kahit kanino."

Tinanong ko din ang huwarang pulis,
Tiyak ang sagot at talagang mabilis,
"
Ang tunay na Pilipino," sa ganang akin, 
Sumusunod sa batas, walang tong o hulidap,
Hindi rin balasubas, at mahal ang Pilipinas."

Tinanong ko ang mapagmahal na ina, 

Buong kagiliwan na sinambit sa akin,
Ang tunay na Pilipino," mula sa akin,
Makapamilya, dumaramay, at maalalahanin,
Nagsasakrisyo para sa Inang-bayan natin."


Tinanong ko naman ang isang baget,
Kunot-noo itong sa akin ay napatitig.
"Ang tunay na Pilipino," get na get niya,
"Hindi magnanakaw at puro delihensiya.
Naglilingkod sa bayan, at makatarungan talaga."

Para sa iyo, ikaw, siya, lahat kayo . . .
Sino ang
tunay na Pilipino
Hayagang nililinaw ko dito, pakalimiin ninyo,
Lumingon at buksan ang inyong mga puso,
Pagmamahal nito'y pawalan na ninyo.


Sapagkat mula sa kaibuturan nito,
Nagsusumigaw na tayo ay mga
tunay na Pilipino!
Sa isip, sa salita, at sa gawa ay ipakilala natin.
Sa mabuting paraan at wagas na totoo,
na ikaw, siya, sila, kasama pati AKO
tayong lahat, .  . . ay mga tunay na Pilipino.

No comments:

Post a Comment