Thursday, December 31, 2015

Isang Paghamon sa Pagbabago

Sa taong ito, kaysa magsulat o mag-isip tungkol sa iilang mga mabilisan at hindi nakaplanong mga lunggati, magsimula sa isang lunggati: ang tahasang malaman at maintindihan ang iyong sekretong buhay. Ito ang nakakubli mong pagkatao na bihira mong pag-aralan kung sino kang talaga. Sanaying madalas ang iyong sarili na alaming mabuti ang tungkol dito. Maghanda ng journal na kung saan ay madali mong maisusulat, masasaliksik, at matitimbang ang mga mahalagang bagay tungkol sa iyo.
   Maghanda na makagawa ng resolusyon at simulang italaga ang sarili na tuparin ito. Magsimula sa maliit na mga pagkilos na makakaya at nakahandang tuparin ang higit na mahalaga at mga priyoridad na makakatulong sa iyo. Habang ang iyong abilidad ay kalakip ang integridad para sa iyong sarili, lalong nadaragdagan ang iyong pagnanasang magtagumpay. Higit na pag-ibayuhin ang maliliit na tagumpay na ito sa pamamagitan ng pagharap sa malalaking paghamon o ugali na kailangang mabago. Palaging alalahanin na ikunekta ito kung "bakit" ang mga bagay na ito ay nais mong mabago.
   Maglaan ng panahon na makalikha ng suporta sa ilang kapamilya o mga kaibigan na maibahagi ang mga tungkulin o commitments na ito. Hilingin ang iyong mahal sa buhay o matalik na kaibigan na makiisa at matulungan ka sa mga pagbabagong ito. Maglaan ng regular na oras o araw na kung saan makapagbibigay ka ng pag-uulat sa iyong progreso.
   Bawat sandali ay mahalaga, manatiling gising sa tuwina. Bagay na hindi maganda at hindi makakabuti ay ating iwaksi. Ugaling nagpapahirap, nasa pagbabago lamang ang tanging lunas.

Mga Mahalagang Hakbang sa Pagbabago
1. Pag-aralan ang tunay o sekreto mong pagkatao. Tignan kung ano ang talagang mahalaga para sa iyo, at ituon ang iyong buhay sa mga bagay na ito.
2. Ipamuhay ang iyong pribado at sekretong buhay na tila nakaharap sa publiko---na parang bawat bagay na iyong ginagawa at binibigkas na mga pangungusap ay nakikita at naririnig ng mga tao na maaapektuhan ng iyong mga aksiyon. Makapagbibigay ito sa iyo ng panlabas na perspektibo sa iyong mga kagawian o ikinikilos para matulungan ka na makilala ang mga tagpo o lugar na kung saan ay makakasulong sa iyong pagbabago.
3. Alamin at tumanggap ng pag-uulat tungkol sa sa iyong mga nalimutan o nalagpasang kamalian mula sa mga matapat na kaibigan at kapamilya. Magsimulang baguhin ang iyong lifestyle o istilo ng pamumuhay na nakabatay lamang sa kung ano ang higit na mahalaga para sa iyo.
4. Lumikha at tuparin ang mga pangako para sa iyong sarili---simulan sa maliliit at matutupad na mga bagay na higit na mahalaga sa iyo.
5. Ibahagi ang iyong mga pagtatalagang (commitments) ito sa iba.
 

No comments:

Post a Comment