Tuesday, November 10, 2015

Salamin ng Pagkatao



 Kung minsan ang mga bagay ay nagiging reyalidad kapag hinangad natin itong ganap.



Hindi natin maitatatwâ na kailangan natin ng ibang tao para harapin ang mga paghamon o pagsubok sa ating buhay. Dito sa sosyal media, katulad ng Facebook, bagamat pinauunlakan natin at binibigyan ng pansin ang mahalagang mga talakayan at mga usapan, kung walang mahalagang intensiyon na kapupulutan ito ng aral, kahusayan, at kaunlaran para sa ating kapakanan at gayundin sa iba; madali tayong mahuhulog sa pagkukunwari, pagyayabang at kapalaluan.
   Pansinin ang mga sosyal media, malaking bahagi nito ang nakaukol bilang makasarili; mga larawan ng pagpapaganda, mga pang-akit na humahalina, mga masayang pagtitipon; at kung hindi ka mapanuri ay mga panloloko na bumibiktima, may mga panooring nagpapasaya, mga tagubilin na nagpapaala-ala, at huwag ding kalilimutan ang mga pampasulak ng dugo; ang mga tanawing nakakabahalà, mga kabuktutang nakakapinsalà, mga kahayupang hindi kayang mailarawan ng angkop na kataga, atbp.
   Kahit gaano pa ang ating nababasa, nakikita, at nadarama sa mga sosyal media at nagagawang tutukan natin ang computer at hindi mabitiwan ang selpon. Magagawa naman nating harapin ang mga paghamon na ito sa ikakalinaw ng ating mga isipan at sa ikakaganda ng koneksiyon sa isa't-isa. Kung gagawin natin sa araw-araw ang mga bagay na ito:
---Paghusayin na lalong mapaglapit ang inyong mga relasyon. Hindi yaong papitik-pitik at paindot-pindot lamang ng "like"ay sapat na.
---Alamin kung ano ang talagang intensiyon mo at nais mo ng mga kakilala. Ang aliwin ka o aliwin sila? Ang matuto o mag-aksaya ng sandali? Ang maglibang o tumakas sa responsibilidad sa araw na ito?
---Hayaan na nakabukas ang isipan at pag-aralang mabuti ang nais tukuyin ng iba. Makakabuti ang magtanong muna kaysa ang humusgâ.
---Ipadama ang iyong nararamdaman kaysa mainis, mabagabag, itago o magreklamo. Higit na mainam ang may payapang kalooban kaysa manggalaiti sa larawan at masira ang araw mo.
---Iwasan na magalit at magdamdam, ...at isulat pa nang hindi maganda ang nadarama. Kung alam mong nauulól, huwag kang pumatól.
---Tumingin kung anong kabutihan ang ibubunga, at maging magiliw sa pakikipag-relasyon. Tandaan lamang, ...na buong mundo ang nagbabasa nito.
---Makipag-ugnayan sa mga mahal sa buhay nang higit kang makilala at maintindihan nila, bago unahin ang iba.
---Iwaksi ang mga inseguridad at mga pagkatakot para relaks ka sa talakayan o ugnayan.
---Magawang kaibigan ang mga bagong kakilala nang sa gayon ay mapalawak pa ang iyong mga kabatiran.
---Halinahin at suyuin ang matalik na pakikipag-kaibigan--at maniwalang karapatan at tungkulin mo ito.
--- ...at kung maaari lamang, pakaiwasan ang makisamâ sa mga bastusan, panlalait sa kapalpakan ng iba, at panunulsól o pakikisama sa mga miserableng tao na naghahasik ng kadiliman sa sosyal media.
---Anumang binitiwan at ipinahayag mo; narito ang salamin ng iyong pagkatao.
Ito lamang po ang aking munting pakiusap.

jesseguevara
wagasmalaya.blogspot.com


No comments:

Post a Comment