Siya
ay higit na matalino kung hindi siya namamanglaw sa mga bagay na wala
sa kanya, at nagagalak doon sa mga bagay na mayroon siya.
Kahit hinihingi ng pagkakataon ay hindi mabigkas, … at madalas ay
nakakaligtaan pa natin, ang magpasalamat. Gayong ang pasasalamat ay isang mainam na
saloobin. Kung magagawang magpasalamat sa lahat ng bagay at kaninuman sa iyong
buhay, ang magandang pagpapala ay sasaiyo. Ito ang tamang pintuan para makaiwas
sa darating na panganib. Hinuhugot nito ang tinik na nakabaon sa iyong dibdib.
May
nagtanong, “Pati ba ang masasama at
malulungkot na mga pangyayari sa buhay ay dapat pasalamatan?” Nararapat
lamang. Kung matatanggap mo ang mga ito at makakayang bigkasin ang, “Salamat
po, Diyos ko.” Malaking kaginhawaan ang iyong madarama. Anumang bagay, maging
mabuti o masama man, masaya o malungkot man, nakakatuwa o nakakagalit man ito,
at magagawa mong pasalamatan, makakaiwas ka sa mga pagkagalit, mga pagkatakot,
mga panghihinayang, mga bagabag, at kawalan ng pag-asa. Higit kaninuman, ikaw
sa lahat ang makikinabang para dito. Sapagkat kung hindi mo ito magagawa,
malaking pinsala ang idudulot nito sa iyong isipan at kalusugan.
Ang
pasasalamat ay upang wakasan ang kasiphayuang nadarama, kalimutan ito at mailipat
kay Bathala ang lahat para sa Kanyang kapasiyahan. Hangga’t patuloy mong
kinikimkim ang bagabag at hindi magawang alpasan ito ng pasasalamat, patuloy
din ang kamandag nito sa paglason ng iyong pagkatao. Sa kalaunan
kapag sumagad na, ay humahantong ito sa kapahamakan. Tanging nasa pasasalamat
lamang, magagawa nating takasan ang anumang bumabalisa sa ating isipan. Ang
makakalunas lamang sa mga bagabag at mga kalituhan ay taimtim na pananalig.
Lahat tayo ay
patuloy na pinupukol ng mga kasiphayuan sa buhay, kung papaano mo ito haharapin
ay siyang magpapasiya ng kaligayahan at kapighatian sa iyong buhay.
No comments:
Post a Comment