Karamihan sa atin kapag nagagalit ay
pinipilit na itago ang damdamin para lamang maging mapayapa ang lahat. Sinasarili
ang problema, sinisisi at pinarurusahan ang sarili kung bakit hindi magawang
ipaglaban ang tamang katuwiran. Kahit hindi kagustuhan ay tinatanggap na lamang
ang kinasadlakan, at sumusunod na lamang sa agos para hindi makagalitan. Dahil dito, marami ang nagkakasakit
ng malulubhang karamdaman sanhi ng mga kapaitan at dinadalang pagkabugnot sa pagkimkim ng galit.
Katulad ito kung natuklaw ng makamandag na
ahas, hangga't ipinagwawalang bahala at pinipilit na itago ang sugat, ang
kamandag ay patuloy na lumalason. Sa halip na lunasan, ay iniiwasan ito at pilit na
pinagtatakpan. Nagiging bingi, umid ang dila, at bulag sa katotohanan ang sistemang ito. Higit na
pinangangambahan ang kapahamakan kapag nasangkot, gayong ang katotohanan, sa
simula pa lamang ay biktima na. Kapag sa iyong kapaligiran ay may nagaganap na
mga kabuktutan, mga pagsasamantala, at mga kalagiman; at ipinagwa-walang bahala
mo ito, o wala kang pakialam, lumilitaw na inaayunan at may pahintulot ka para
ang mga ito ay maganap. Maging ayaw o ibig mo, ikaw ay kasangkot sa karahasan
at isa ding biktima nito. Sapagkat kung walang iimik, kikilos, at makikibaka,
ang karahasan ay magpapatuloy at ang lahat ay magiging biktima.
Sa isang bayan na maligalig na patuloy
ang mga karahasan, dumarami ang mga masasama kapag umuunti na ang mga mabubuti.
At walang ibubungang mainam kung patuloy na kinikimkim
ang galit kaysa ihayag ito at magawang lunasan. Kung hindi ka kikilos, sino sa iyong
palagay ang kikilos para sa iyo? Kung walang kikilos, papaano na?
Itaas ang iyong pamantayan at patatagin
ang iyong pananalig; humanap ng mga tao na may integridad at reputasyon na
iyong iginagalang; makipagsundo sa kanila sa gagawing pagbabago sa ating
lipunan; at ibigay sa kanila nang walang pag-aalinlangan ang iyong pagtitiwala.
No comments:
Post a Comment