Huwag ipagkait ang pagtulong, dahil lamang hindi mo magagampanan ang lahat.
Tungkol ito sa lahat ng mga starfish na tinangay ng alon sa dalampasigan nang tumaas ang tubig at nang kumati ang tubig ay naiwan sa buhanginan na nakalantad sa sikat ng araw hanggang sa mamamatay. Isang batang lalaki ang naglalaro sa dalampasigan ay nalungkot at naawa sa kasasapitan ng mga starfish. Mabilis na dinampot ang isa at inihagis pabalik sa dagat, dumampot pang muli, at patuloy niyang inihagis isa-isa ang mga ito pabalik sa dagat.
Isang namamasyal na matandang lalaki na kanina pa nagmamasid sa pangyayari ay iiling-iling ang ulo na lumapit sa bata.
“Anong mahihita mo diyan, bata, hindi mo ba nakikita na libu-libong starfish ang nakakalat sa pampang? Pinapagod mo lamang ang sarili mo. Walang paraan na makagagawa ka ng kaibahan.”
Nagkibit balikat lamang ang bata sa narinig. Dumampot ito ng isa pa at tumugon, “Subalit, makagagawa ito ng kaibahan sa isang ito,” at mabilis na inihagis ang starfish pabalik sa dagat.
Naaala-ala ko noong ako’y nasa elementarya pa, sa tuwing nadadagdagan ang kinikita ng aking ama sa pagiging kapatas sa pagawaing bayan ay bumibili siya ng dalawang kabang bigas, at ibinabahagi ito sa kanyang mga pamangkin. Nakasilid sa maliit na sako at pasan ko sa balikat dinadala ko ito sa mga bahay ng aking mga pinsan. Bagaman tumututol ang aking kalooban dahil may panahong kami man ay kinakapos din ay wala akong magawa kundi ang sumunod. At sa pagdaan ng panahon unti-unti nakita ko ang kahalagahan nito sa amin. Naranasan ko at namulat ang aking mga mata sa nakagawiang pagtutulungan at bigayan. Ang hindi ko malilimutan ay ang winika niya noon, "Huwag mong hintayin na mangailangan ka, bago magbigay sa iba."
Kadalasan, ang nauuna sa atin ay pangamba na walang gaanong magagawa ang kaunting tulong sa nakaharap na malaking pangangailangan, pinanghihinaan tayo ng loob na makagawa ng kaibahan. Malimit ang tanong natin ay, “Para saan, kung wala namang kakahinatnan?” Sa katotohanan; hindi ang ibinibigay o ginagawa gaano man kaliit o kalaki ito, bagkus ang pagpapanatili ng diwa ng pagbibigayan, pagtutulungan, at pagmamalasakit sa isa’t-isa. Ang isang subong kanin ay hindi makakabusog sa marami, ngunit sa isang maghapong nagugutom ay pagpawi ito ng hapdi sa sikmura.
Hindi sagwil ang kaliitan sa paggawa ng malaking kaibahan. Nasa pagtutulungan lamang ng bawa't isa makakamit ang tagumpay.
Hindi sagwil ang kaliitan sa paggawa ng malaking kaibahan. Nasa pagtutulungan lamang ng bawa't isa makakamit ang tagumpay.
Pinatutunayan ng katotohanan na kung magsusumigasig lamang tayo sa paggawa; magiging matagumpay tayo, at kapag lagi tayong nagtatagumpay, tayo ay magiging masaya at maligaya sa tuwina.
Ang tunay na kaligayahan ay ngayon, kapag nakakagawa ka ng kaibahan sa iyong kapwa. Huwag hintayin na nasa pagtatagumpay ang hinahanap na kaligayahan; na kapag nakamtan mo na ang iyong pangarap, ay doon ka lamang liligaya. Balintuna itong kaalaman. Kung ikaw ay maligaya lalong naragdagan ang iyong pagsusumikap, tumitindi ang iyong paghahangad, at may pagtitiwala ka sa iyong sarili. Wala pa akong nakita o nakadaupang palad na malulungkutin at nanlulumo na nagtagumpay. Yaon lamang na masasaya sa kanilang ginagawa. At higit ang kaligayahan kapag natupad ang kanilang mga pangarap.
Kahit man maliit ang pagkilos, kadalasa’y pinagsisimulan ito ng ningas na magpapaliyab sa makabuluhang hangarin. Sa araw na ito, may pagkakataon kang simulan ang isang maliit na pagkilos. Isang pagkilos na makakagawa ng malaking kaibahan at maghuhudyat ng iyong tagumpay.
Ano pa ang hinihintay mo? Simulan na!
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment