Ang blog na ito’y buong pusong isinulat at inilalathala para doon sa mga taong nais magkaroon ng mabilisang pagbabago sa kanilang mga sarili, may ambisyon, naiiba sa pangkaraniwan, kumakandili sa mga kalahi at nagmamalasakit sa bansang Pilipinas. Kung mayroon ka ng mga katangiang ito, ---Mabuhay ka!
IKAW (Isang Katangi-tanging Anak na Wagas) ang dahilan kaya nilikha ang wagasmalaya.blogspot.com na ito.
Wagas - sapagkat may katangi-tangi kang pang-unawa, pakikiisa, at pagmamalasakit na bumubukal sa kaibuturan ng iyong puso. Ikaw lamang at wala ng iba ang nasusunod para dito.
Malaya - sapagkat wala kang bahid anumang pag-aalinlangan, itinatago, ikinahihiya, at sinusupil sa iyong damdamin. Buong kagitingang may pagtitiwala at pagmamalaki ka sa iyong sarili, na sinuman ay walang kapangyarihang sansalain o kitilin ito. Wagas at Malaya ang lahat ng simbuyong nakapangyayari at kumikilos sa iyong buhay.
Lahat ng narito’y tungkol sa iyo, at tanging para sa iyo bilang Pilipino; upang manumbalik ang likas at tunay mong pagka-Pilipino.
Sa mga paksa, sanaysay, at inspirasyon sa mga pahinang matutunghayan dito, ay makapag-mumulat ng mga mata at makapagda-dagdag ng kabatiran upang makamit ang tiyak na layunin at mga lunggati sa buhay na napakahalaga sa iyo.
Pinagtuunan ko ng ibayong atensiyon ang mga inpormasyong narito at sinala lamang ang mahahalaga na kapupulutan ng magaganda at makabuluhang aral, pagkakaisa, at kaunlaran. Nagmula ito sa mga dakila, huwaran at matatagumpay na mga tao sa kanilang iba’t-ibang larangan at industriya. Kung tutuusin, napakaraming pambihirang kalatas ang pinagkunan, mula sa kultura, relihiyon, pilosopiya, at karanasan ng mga sumulat, subalit sa lahat ng ito: nananaig ang dumadaloy na pangunahing hangarin: Ang makamit ang tagumpay.
Ito ang adhikain ng AKO, tunay na Pilipino, ang maglahad, magpabatid, at magpalaganap ng katotohanan tungo sa ikauunlad, ikatatagumpay, at minimithing kaligayahan para sa lahat.
Tinipon at isinaayos ko ito nang naaayon sa ating kabatirang Pilipino; pag-arok, pakiramdam, at angking kamulatan. At humihingi ako ng paumanhin, sa hindi paglalagay sa karamihan ng mga pangalan o kredito sa pinanggalingan ng mga ito. Dahil; hindi ako makatiyak sa orihinal na sumulat at nagwika nito, hindi ako sanay na magkunwari o makiayon kung kapahamakan ang tinutungo nito, hindi ko maatim na magbayad sa paggamit nito; sapagkat hindi ito pagkakakitaan, at nakalaan lamang sa ikakabuti at ikauunlad ng karamihan, at higit sa lahat, ang pagpapabatid ng katotohanan ay walang katumbas na halaga.
Kung ang mga inilalahad dito ay tuwirang magagampanan, malaking panimula at ambag ito sa ating hinahangad na pagbabago.
Naging katotohanan ang blog na ito, matapos ang maraming talakayan, usapan, at paliwanagan. Marami ang nagmungkahi na isulat ko ang mga ito. Malimit ang tugon ko’y, “Hindi ako manunulat, at wala akong kamuwangan para dito.” Subalit ang katotohanan, gaano mo man ito pigilan, itago, at kimkimin; lulutang pa rin ito. Kusang mag-uumalpas at gagawa ng landas upang matupad. Baluktot man at wala sa tamang direksiyon ang paglalapat ng mga kataga sa aking sinulat, nananatili ang tunay na pakay: Tagumpay para sa lahat! Ito ang ating simbuyo ng damdamin at tanging kumikilos upang isiwalat ang katotohanan.
Ito ang nagpabago sa akin at sa marami pa. Maging sa iyo ay mangyayari din ito. Manatili lamang na sumusubaybay sa blog na ito. Dahil, ang lahat na ito’y tanging para sa iyo. Sapagkat, Mahal kita.
Ang inyong abang lingkod; kabayang Tilaok,
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment