Monday, April 11, 2011

IsangKapatiran




   Itinakda ng tadhana na mangyari ang kapatiran. Bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang tungkulin na ginagampanan sa ating lipunan upang manatili itong buo at matatag. Lahat ng ito'y para sa ikakaunlad ng sarili, pamilya, pamayanan, at ng buong bansa. At tanging sa pagbubuklod lamang ito magaganap. Walang sinuman ang makakakilos sa pamamagitan lamang ng kanyang sarili. Lahat tayo ay isang kabubuan; magkakasanga sa nag-iisang puno. Lahat ng ating ipinahahatid sa buhay ng iba; mga bagay, pangyayari, pakikialam ---mabuti o masama man ito, ay bumabalik sa atin nang maraming ulit. Ito ang lumilikha sa ating pagkatao.
   Sa ating lipunang ginagalawan; ang ating mga buhay ay kahalintulad ng ating limang daliri na magkakahiwalay sa isang kamay. Subalit kapag pinagsama bilang kamao; nakagagawa ito ng maraming makabuluhang pagkilos.

   Sa sandaling maging makasarili tayo at humiwalay sa pagkakabigkis na ito, simula na ito ng pagdurusa. Kailanman ang isang tinting ay hindi makapagwawalis. Hindi ka makakatulong sa hinahangad na kaunlaran at katiwasayan; gaano man ang  iyong binibigkas, ginagawa o sinasang-ayunan hangga’t hindi mo ipinamumuhay ang mga ito.
   Ang kapatiran ay siyang tanging kabayaran at kalagayan sa kaligtasan ng sambayanan. Ito ang sandigan sa kagalingang panlahat tungo sa kaunlaran at kapayapaan. 
  
   May angkop tayong taguri dito; Bayanihan---kinapapalooban ng pagdadamayan, pagtutulungan, pagkakaisa, at patuloy na pagmamahalan. At ang kapatiran ang bumibigkis dito.

No comments:

Post a Comment