Pabatid Tanaw

Saturday, September 29, 2018

May Inspirasyon Ka ba?

Simulan nang mabuhay na may inspirasyon . . .
    Magmula na ngayon!

   Kahit man lamang sa araw na ito, pagpasiyahan na maging masaya at gawing kawiliwili na kapiling ang mga mahal sa buhay, at tamasahin ang anumang bagay na nasa iyo. Sakaliman na hindi mo makamit ang iyong ninanasa, maaari namang maibigan mo ang anumang mayroon ka. Sa araw na ito ngayon, pagpasiyahan na maging mabuti, masigla, mapagpasalamat, umuunawa at sumasang-ayon. Gawin ang lahat sa abot ng makakaya, mahinahong magsalita, umasam, purihin at pahalagahan ang iba.
   Subukan ang mga ito, at madali na ang susunod . . . ito naman ay sa loob lamang ng isang araw. Maganda itong panimula kung magagawa sa araw-araw ng ating buhay. Walang makakaalam. Malay mo, maiibigan mo palang gawin ito sa tuwina at maging ritwal na ng iyong buhay. Sapagkat ito ang sikreto ng mabuting relasyon.
   Ang buhay ay maaaring masalimoot, subalit ang kasiyahan… ay napakasimple lamang. Mismo tayo ang lumilikha kung bakit ito ay nagiging kumplikado. Nasa ating mga kamay ang ikakatiwasay ng ating pamumuhay. Sa pagtahak sa panibagong landas, huwag nating kalimutan na magdala sa ating lukbutan ng mga kawikaang nagsisilbing gabay sa ating paglalakbay, na may ngiti sa ating mukha, at marubdob na pagmamahal sa ating mga puso. Ito ang mga pangunahing probisyon na kailangan natin habang tayo’y naglalakbay sa matuwid na landas ng buhay.
   Sa mga bagabag, mga pagkondena, mga kapighatian, at mga panghihinayang sa buhay, kailangan natin ng mga kalasag na nagdudulot ng inspirasyon upang maibalik tayo sa pook na marapat ay narooon tayo… muling bigyan ng panibagong direksiyon ang ating mga sarili sa kung ano ang mahalaga at tamang prioridad sa buhay. Ang mga kawikaang narito ay mataman kong inipon, sinala, at isinaayos nang naayon sa ating kamulatang Pilipino. Kung bibigyan ng kaukulang pagpapahalaga, isa itong dalisay na sibol ng inspirasyon! Na sa ilang sandali ay magdudulot ng matiwasay na ngiti sa iyong mukha, at kasiglahan sa iyong puso na kung saan higit mo itong kailangan.

Mahalagang Pakikipag-kapwa

Hanapin ang iyong kaligayahan, at… Ibahagi ito sa iba. Ang kaligayahan ay mistulang tanglaw na nagbibigay ng Pag-asa, Pananalig, at Pagmamahal.

Ihayag sa mga tao na kailangan mo sila. Kung minsan, ang pinakamabuting kamay na tumutulong ay isang maayos, at matatag na pagtulak. Manatiling may pagtitiwala sa kapwa, at laging may gantimpalang darating para sa iyo.

Huwag maliitin ang kapangyarihan ng pagtitiwala sa iba. Hindi lahat ay may kakayahang gampanan ang iyong hinahangad, ngunit may iba na kailangang pag-ukulan ng panahon. Sila ang iyong mga kapanalig, maging mapagtimpi at umuunawa at ang inyong mga pagsasama ay patuloy na yayabong.

Ang mga bagay lamang na nagiging balakid sa pagitan ng isang tao at kung ano ang nais niya sa kanyang buhay ay ang determinasyon na subukang gawin ito, at ang pananalig na paniwalaan itong mangyayari. Kung walang tiyaga, walang nilaga.

Tamasahin ang mga mumunting mga bagay, sapagkat sa isang araw, sakalimang lingunin mo ang mga ito ay mapapatunayan na ang mga ito pala’y mga malalaking bagay.

Panatilihing nakaharap sa silahis ng araw upang hindi mo makita ang mga anino. Sapagkat ang nakalipas, laluna’t masaklap ito ay hindi na kailangan pang sariwain. Ituon ang pagmasid sa kasalukuyan at magagawa mong likhain na ang iyong kinabukasan.

Maglingkod sa iba kung ano ang hindi nila magawa para sa kanilang sarili. Isa itong napakagandang kabayaran sa buhay…na walang tao na matapat na tumutulong sa iba nang hindi niya natutulungan ang kanyang sarili. Ang pusong mapagbigay, ay umaani.

Hanapin ang susi sa kanilang mga puso. Bawa’t isa atin ay naghahangad ng pagpapahalaga, pagpuri at atensiyon. Ang mahinahong mga pananalita ay maikli at madaling bigkasin, ngunit ang mga alingawngaw nito’y wagas at walang katapusan.

Baguhin mo ang iyong iniisip, binibigkas, at ginagawa, at ang iyong daigdig ay kusang magbabago. Anuman na iyong pinaniniwalan ay nililikha ang iyong kapalaran.

Pag-ukulan ng ibayong pansin ang iyong pananalapi. Alamin ang ginugugol kaysa kinikita, at maglaan ng tama at istriktong badyet. Huwag sisihin ang sarili, bagama’t magagamit mo itong motibasyon na manatili sa tamang prioridad at pagkakagastusang mga pangangailangan sa buhay.

Kung hindi ka titindig at ipaglalaban ang iyong karapatan. Madali kang maaakit ng anumang bagay. Dahil kahit na ikaw ay nasa tamang daan, ikaw ay masasagasaan kung nakaupo ka lamang at walang pakialam.

Ang pinakamahalagang mga bagay sa buhay ay hindi ang mga materyal na bagay. Ang kaligayahan ay wala sa mga ito, naroon ito sa kaibuturan ng ating mga puso. Ang mga bagay na hindi nakikita subalit siyang nadarama ang siyang pinakamahalaga.

Ang pangangarap at imahinasyon ang siyang pinakamataas na saranggolang mapapalipad ng isang tao. Kung wala kang pangarap, mistula kang tuyot na patpat na inaanod ng rumaragasang agos.

Ang pagbabago ay laging dumarating sa iyo na nakakubli at mistulang mga regalo. Nasa iyong pagtalima lamang kung anong pagsalubong ang iyong gagawin. At dito nakasalalay at siyang magbabadya ng iyong kapalaran.
 
Pakamahalin mo ang iyong mga anak, sapagkat sila ang aakay at magpapasiya sa iyong pagtanda kung saang bahay ampunan ka ilalagak. Upang pahalagahan ka nila, mahalin mo ang kanilang ina, sapagkat ito ang batayan na minamahal mo sila.

Pasiklabin ang iyong ningning sa anumang gawaing iyong kinahaharap nang walang pagmamaliw. Simulan ang lahat nang may kasiglahan at ang lahat ay magiging madali na lamang.

Walang pagsasalat, kinakapos lamang ng kakayahang tumanggap. Hangga't umiiral ang kapalaluan ang mga pagkakataon ay kusang lumilisan.

Nasa iyong pagpili, hindi sa pagkakataon ---ang magbabadya ng iyong tadhana. Anumang kalagayan o antas ang mayroon ka ngayon, lahat ng mga ito’y naganap mula sa iyong kapasiyahang pumili kung ano ang nararapat sa iyo.

Walang mga problema sa buhay, bagkus mga paghamon at mga pagkakataon upang masubukan ang iyong kakayahan kung may karapatan kang magtagumpay. Sapagkat hangga't hindi mo nalalagpasan ang mga pagsubok, mananatili kang gumagapang at nakasubsob.

Kung minsan kung walang pagbabagong magaganap, hindi natin matutunghayan ang tama at totoong direksiyon ng ating buhay. Mistula tayong nahuli sa isang patibong at tinatanggap na lamang kung anong kapalaran ang ipagkaloob sa atin.

Ang pinakamahalagang sermon ay ipinamumuhay, hindi ipinapangaral. Isa itong halimbawa kung tutularan o iiwasan ka ng iba.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Mahalin Muna ang Sarili

Ang pagngiti, ay isang kasiyahan, at ang pagtawa o mga katatawanan ay mahalaga sa akin. Kinawiwilihan ko ang mga bungisngisan. Kaya itinalaga ko na ang aking sarili na maging masaya sa tuwina. Wala na akong panahon sa mga kadahilanan, kapighatian, at masasalimoot ng mga bagay. Ang maging masaya, matapat at mapagkakatiwalaan ay malalaking bagay at napakahalaga para sa akin. Upang magkaroon ng matapat na pagkakaibigan, kailangan kong maging matapat na kaibigan sa aking sarili. Upang ako’y pagkatiwalaan, kailangan kong magtiwala sa iba. Kung nais kong mahalin ako, kailangan munang mahalin ko ang aking sarili, sapagkat hindi ko magagawang ipagkaloob ang anumang bagay na wala sa akin.

Ngayon, kailangang maging ikaw kung ano ang iyong nais na maganap sa iyo.
 
Kung ibig mo ng pagmamahal, maging mapagmahal ka.
Kung ibig mo ng kapayapaan, maging mapayapa ka.
Kung ibig mong maging masaya, maging tagapagpasaya ka.
Kung ibig mong maging pambihira, maging kakaiba ka sa karamihan.
Kung ibig mong laging makipagsapalaran, manatiling bukas ang iyong isipan.
Kung ibig mo ng tagumpay, manatiling naglilingkod sa kapwa.
Kung ibig mo ng kaligayahan, apuhapin mo ito sa kaibuturan ng iyong puso.

. . . at kung magagampanan mo ang mga ito …at maging gising at handa sa tuwina sa mga himalang magaganap sa iyong buhay, ang kaligayahan ay lalaging sasaiyo.

   Laging tandaan na may dalawang uri ng tao sa mundong ito---ang makatotohanan at mapangarapin. Ang mga makatotohanan ay alam kung saan sila patutungo. Ang mapangarapin ay nanggaling na dito. Anuman ang iyong iniisip, tiyakin lamang na ito nga ang iyong iniisip; anuman ang iyong ninanais, tiyakin lamang na ito nga ang iyong ninanasa; at anuman ang iyong nadarama, tiyakin lamang na ito nga ang iyong nadarama. Sapagkat hindi lahat ng iyong iniisip ay dapat mong paniwalaan.

Mga Tagubilin Upang Magtagumpay

Maniwala habang naghihinala ang iba.
Magplano habang naglalaro at nasa libangan ang iba.
Mag-aral habang natutulog ang iba.
Magpasiya habang nagbabalam ang iba.
Maghanda habang nangangarap ang iba.
Magsimula habang lumiliban ang iba.
Gumawa habang naghihintay ang iba.
Mag-impok habang nag-aaksaya ang iba.
Makinig habang nagsasalita ang kaharap.
Ngumiti habang nakasimangot ang iba.
Pumuri habang pumupuna ang iba.
Magsikhay habang umaayaw ang iba.
Magmahal habang nagagalit ang iba.
Magpatawad habang nanggagalaiti ang iba na makaganti.
Tumulong habang may nangangailangan.
Maging masigla at masaya sapagkat ito ang susi ng tagumpay!
...at upang ito'y magkaroon ng kalakasan at maging katotohanan, lakipan ng pasyon o simbuyo ng damdamin. 

Ang tagumpay ay hindi siyang susi sa kaligayahan. Ang kaligayahan ang siyang susi sa tagumpay. Kung naiibigan mo at nasisiyahan ka sa iyong ginagawa o trabaho, ikaw ay tahasang magtatagumpay.

Mataos nating dinarasal na nawa’y tahakin ng sangkatauhan ang landas ng pakikipagkaibigan at kapayapaan ... at tuluyan nang sugpuin at iwasan ang mga karahasan at mga kabuktutan. Matuto nating tanggapin na tayo ay magkakapatid, magawang malansag at lagpasan ang mga kahatulan, mga pagtuligsa, mga mapanirang kondisyon, at mga balakid na humahadlang sa ating pagkakaisa tungo sa maaliwalas na pamayanan. 

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

SINO Ka nga ba?

  Alam mo ba kung sino ka at bakit ka narito sa daigdig? Alam mo ba ang iyong misyon o dakilang hangarin sa buhay? Gising ba ang iyong diwa sa patnubay mula sa kaibuturan ng iyong pagkatao, at lalong higit mula sa iyong kaluluwa? Kapag wala kang kabatiran sa mga ito, malaking pagkakamali at kawalan ng pagpapahalaga sa iyong sarili ang namamayani sa ngayon.
   Dahil ba sa ang lahat ay nairaraos at kusa na lamang nagaganap? 
   O, wala kang inaala-ala kung basta nakasakay at nagpapatianod na lamang sa mga kaganapan sa iyong harapan?
   Kung ganito ang pagkakataon sa iyo, bakit malungkot ka pa at nagnanais na maging maligaya?
   Hindi pa ba sapat at nakagagalak ang mga nangyayari sa iyo ngayon?

  SINO ka nga bang talaga, alam mo ba ito?
   Ano ang nakapagbibigay sa iyo ng dahilan na maunawaan ang kahulugan ng iyong buhay?
   Ang pinakamahalaga ay ang mabatid mo ang pinanggagalingan ng iyong lakas at motibasyon. Ang pasiyon o simbuyo na kumakatawan sa iyo upang kumilos na may tinutungo. Ang magkaroon ng kahulugan, kahalagahan, at kawagasan sa bawa’t araw ng iyong buhay. Kailangan lamang na maging matapat na tuklasin ito sa iyong sarili, harapin ang mga pagkatakot, ang mga bagabag, iwaglit ang nakasanayan na mga negatibong pag-uugali, magkaroon ng motibasyon, at humakbang nang may katiyakan at ibayong kasiglahan sa iyong kinabukasan.
  Alam mo bang kapag nagawa mo ito, ang buong sanlibutan ay kusang makipagtutulungan sa iyo? 
 Napatunayan na ito sa maraming pagsasaliksik ng mga paham, na kapag positibo o pawang kabutihan ang iyong nagawa lalo kang lumalakas at nagkakaroon ng pagtitiwala sa iyong sarili. Subalit kapag negatibo o mga mali naman, lalong kang pinahihina at tuluyang nabibigo sa anumang iyong ginagawa. 
Ang bawa’t aksiyon ay may kaakibat na reaksiyon. Walang bagay na lumitaw nang walang kadahilanan. At anumang iyong itinanim ay siya mo ring aanihin. Hindi magbubunga ng atis ang mangga. Mabuti ang iyong ginawa o pakikitungo, mabuti din ang isusukli sa iyo. Ang lahat ng ito'y katotohanan at sa araw-araw ay paulit-ulit na pinatutunayan sa iyong mga pakikipag-relasyon sa iyong kapwa.
Kung nasaan ang iyong intensiyon, naroon ang iyong puso at ibayong kalakasan.
    Ang maunawaan mo kung sino ka ay hindi kailanman na manggagaling sa iba. Ikaw lamang at wala ng iba pa ang higit na nakakaalam tungkol sa iyong sarili. At ito’y kung tutuklasin mo lamang sa kaibuturan ng iyong pagkatao, na kung saan ang iyong katotohanan ay nagkukubli at naghihintay anumang sandali.
   Pakalimiin na bawa’t isa sa atin ay tulad ng isang bahay na may apat na silid ---mental, emosyonal, pisikal, at ispiritwal --- at hanggat hindi natin napapasok, ginagalawan, tinitirhan ang mga silid na ito sa araw-araw, kailanman--- hindi tayo magiging kumpleto o mabubuo ang ating pagkatao. 
   Gaano man ikaw kaabala o maraming ginagawa sa ngayon, huwag palipasin ang mga sandali na hindi mo ito napag-uukulan ng atensiyon, sapagkat ito ang iyong mahalagang buhay at wala ng iba pa. Ito ang iyong panahon at pagkakataon. Ito ang iyong pinakamahalagang araw sa iyong buhay, ang araw na ito, NGAYON!
   Ang pagsisisi ay laging nasa huli. Anumang gulang ikaw mayroon sa ngayon, hindi pa huli ang lahat na magampanan mo ang iyong dakilang hangarin sa buhay.
  Alamin kung saan direksiyon nais mo na magtungo. Tiyaking ito talaga ang isinisigaw ng iyong puso, kaisipan, at kaluluwa.
   Anuman ang iyong magagawa, o pinapangarap na kayang magawa, simulan kaagad. Huwag mag-atubili, magsimula na ngayon, at ang kalahatan ay madali na lamang. 
   Sa araw na ito, maging tunay at matapat sa pakikiharap; kaninuman, saanman, at kailanman. 
   Hangad ko po ang inyong patuloy na tagumpay at kaligayahan bilang mga tunay na Pilipino. 

Paalaala:Kalakip din nito na mabalikan at matutuhan nating muli ang ating sariling wikang Pilipino. Marami na sa ating mga kataga ang hindi na ginagamit sa pangungusap. Pawang Taglish at Englog na lamang na pinaghalo ang namamayani ngayon sa telebisyon, radyo, at mga pahayagan. Marami ang hindi nakakaalam na isang uri ng pagkitil ito upang tuluyan nang mawala ang ating pagkakilala sa ating mga sarili, at mangahulugan ng pagkakawatak sa isa't isa. Ang bayang walang pagmamasalakit sa sariling wika at mga kultura ay walang pagkakakilanlan. Walang pinanggalingan, putok sa buho at lalaging nakikisakay sa mga banyagang kultura. Nasabi lamang silang mga Pilipino daw. Kapag Amerikano o alinmang banyaga ang kausap ko, English ang gamit ko, subalit kung Pilipino, tahasan na wikang Pilipino ang buong puso kong binibigkas. Sapagkat kapag ako'y nangungusap, kasama ko ang aking mga ninuno at mga bayaning naghandog ng buhay upang magkaroon ng isang bansang Pilipinas. Ipinagmamalaki ko ito at ipinapakita sa gawa.
   Sinasadya ko na talagang lagyan ng palabok at haplos na lalim, upang alamin ang tunay na kahulugan nito.
Mabuhay po tayong lahat!

Ang inyong kabayang Tilaok,

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Paumanhin lamang po

   Marami ang lumiliham sa akin; na humihiling na lakipan ko ng karagdagang kahulugan ang ilan sa mga katagang aking ginamit sa kababasang paksa, upang ganap na maunawaan nila ang nilalaman nito. At ito nama'y buong puso kong pauunlakan. Isang malaking kasiyahan sa ganang akin, ang makapaglingkod sa kapwa, at higit pa ang makapag-ambag sa larangan ng makabuluhang inpormasyon, kabatiran, at piling-pili na mga naging karanasan ko bilang dayuhang manggagawa sa ibang bansa. 
 
  Paumanhin lamang po bilang patiuna, sapagkat hindi po ako isang manunulat at walang napag-aralan tungkol dito. Kasalukuyan pang nagsusunog ng kilay sa larangang ito. Kaysa po manood ng paulit-ulit na palabas sa telebisyon o magtungo sa kapitbahay at makipag-huntahan hanggang kumalam ang sikmura, makakabuting idaan ko na lamang ito sa pagsusulat. Kahit isa o dalawa man ang nakaunawa at napaligaya ko sa araw na ito, masaya na ako at mahimbing na makakatulog. Dalangin ko ito sa araw-araw na ako'y pagkalooban ng papapala na makaganti sa iba, kahit man lang sa maliit na kakayahang ito.
   
   Doon sa mga "edukado" o mga guro na nakakaalam ng wikang Pilipino; ang masasambit ko lamang, makakabuti ang magturo kaysa ang pumintas. Ang pumuna nang walang kalakip na pagtatama ay isang pamimintas. At kung ikaw ay namimintas; may malaking bagabag kang dinadala at hindi magawang itama ang mga ito sa iyong sarili, at ang iyong buong atensiyon ay nakabaling sa pagpintas ng iba. Kung nasa manibela ka ng humaharurot na kotse, at laging nakatingin sa gawain ng iba... pawang aksidente ang aabutin mo. Aba'y gumising ka naman at makipagtulungan ka, hindi pa huli ang lahat para sa iyo!
 
   Hanggang ngayon, marami pa rin sa atin ang TULOG, NATUTULOG, at NAGTUTULOG-TULOGAN. May kawikaan po tayo, "Kung hindi ka kikilos, ikaw ay kikilosin ng iba."
 
 Ang inyong kabayang Tilaok
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Englog ba, o Taglish?

   Nagkataon lamang po na dito sa aming lalawigan ng Bataan, palasak na ang ganitong mga kataga. Nagagawa pa ng marami sa amin ang tumula ng magkakatugma sa huli, sa tuwing may mga pagdiriwang, sa mga umpukan, at lalo na kapag may lamayan. Nais ko lamang na ipabatid ito sa lahat, at makapagdagdag kaalaman sa ating wikang Pilipino. Sapagkat sa maraming ugnayan at talakayan na aking naranasan, malimit na itinatanong ko ang mga natatanging kataga na ito na bihira ko na ring naririnig kapag ako'y nasa Kalakhang Maynila, mga lalawigan ng Bulacan, Laguna, Cavite, Batangas, Rizal, Quezon, Mindoro, at sa marami pang mga pook ng katagalugan, at maging sa pagbabasa ng mga magasin at mga pahayagan, ay bihira kong masumpungan, kadalasa'y Taglish at Englog na pinaghalo. Kaya nga sinasadya kong dinaragdagan ng mga palabok at palaman na paulit-ulit, pinaliligoy-ligoy ang aking mga sinusulat, sa pagnanais na mapanumbalik ang kabatiran ng mga ito. 
 Halimbawa, nasaksihan at narining ko ang mga ito:
   Mula sa isang nerd na baget; "i-surrender sana ang brother niya at may reward pa siya."
         sa pahayagan; "isinorinder si Tibo ng kanyang brad kaya nagkariward ito."
         sa radyo: "At dis poynt, sumurinder na si Tibo at ang riward ay idinistribiyut sa mga polis."
          sa telebisyon; "Arestado na si Tibo at ang rewad ay na-recieved ng brother niya."
  Subukang magbasa ng pahayagan sa Pilipino at makinig sa telebisyon at radyo at mapatutunayan ninyo ang mga ito.
    Narito ang mga pagsasalin ng mga nasa itaas:
        Isuko sana ang kapatid niya at may gantimpala pa siya.
        Isinuko si Tibo ng kanyang kapatid kaya nagkagantimpala ito.
        Sa puntong(tagpong) ito, sumuko na si Tibo at ang gantimpala ay ipinamahagi sa mga pulis.
        Nahuli na si Tibo, at ang gantimpala ay tinanggap ng kanyang kapatid.
  Narito naman ang mga katagang Bataan (kagyat na naisip sa sumandaling ito):
      pusali at burak                     karimlan at kawalan                 pangitain at guni-guni
      tampisaw at paglunoy          himatong at pahapyaw              balintuna at atubili
      tumana at  palispisan            tandos at tudling                       sambit at pasaring
      baga at alipato                     tampalasan at tulisan                sumisikdo at sumusulak    
      dakdak at panunton             bulay-bulay at kuro-kuro          alibadbad at alimoom        
      talipandas at haliparot          alibugha at timawa                    salipawpaw at panginorin
      halaghag at haragan             kasigwaan at daluyong              hagulgol at hagikgik        
      balibag at pukol                   dukwang at hablot                    dunggol at saklit
      gulamot at dalirot                 umigsaw at gulantang                lamukot at hilatsa
      alingasaw at halimuyak         tingaro at tamimi                       sakbibi at alimpuyo
      alimura  at uyam                  dalumat at sapantaha                 sinok at tighaw
      bulagaw at pusyaw              simi at basaysay                        halinghing at singasing
      taliptip at pukto                    palatak at kalantog                   alumpihit at salampak
      tambaw at alulong                siha at siwang                           maimbot at sakim
   Ang matindi dito at ayaw maiparinig lalo na sa Bataan, ay ang pandaiwang. Dahil kaakibat nito ang mga pandidiri, masangsang, paninikit at dulas, na nagtatapos sa kataga ng pagiging salaula, ito naman ay kung nakaligtaan mong gamitin ito.    
        
    Mula sa Batanes ng Hilagang Luzon hanggang sa Sulu ng Katimugang Mindanaw, bata at matanda ay nakapagsasalita na ng ating sariling wikang Pilipino. Bagama't ito'y hango sa Tagalog, marami na ang naidagdag mula sa iba't-ibang wika ng ating kapuluan. Sa pagsasanib ng ating mga katutubong wika, mapapabilis natin ang pag-unlad at paglaganap ng tunay na sariling wika natin. Taas noo nating mahaharap sinuman, saan mang mga ugnayan at mga talakayan.
At bukas po ang pintuan dito sa inyong mga ambag kabatiran. Magtulungan po tayo.
  
  Isang karangalan at ibayong pagtitiwala sa iyong sarili, bilang tunay na Pilipino ang may kabatiran ka at matatas sa sariling wikang Pilipino. 
 
 Tayong lahat ay IsangPilipino! 
 
Ang inyong kabayang Tilaok
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Itaguyod ang Ating Pambansang Wika

   Ito ang isa sa aking mga layunin sa blog na ito ng wagasmalaya.blogspot.com. Ang mabalikan at matutuhan nating muli ang ating sariling wikang Pilipino. Marami na sa ating mga kataga ang hindi na ginagamit sa pangungusap. Pawang Taglish at Englog na lamang na pinaghalo ang namamayani ngayon sa telebisyon, radyo, at mga pahayagan. Pinipilit na tambakan ng katakot-takot na klorete ang ating mukha na tulad ng isang rebulto. Marami ang hindi nakakaalam na isang uri ng pagkitil ito upang tuluyan nang mawala ang ating pagkakilala sa ating mga sarili, at mangahulugan ng pagkakawatak sa isa't isa. Ang bayang walang pagmamasalakit sa sariling wika at mga kultura ay walang dangal at pagkakakilanlan. Walang anino at pinanggalingan, putok sa buho at palaging nakikisakay sa mga banyagang kultura. Amoyong ang taguri dito at palasak naman ang timawa. Dahil walang personalidad na matatawag na sariling kanya. Nasabi lamang daw silang mga Pilipino. 

   Kapag Amerikano o alinmang banyaga ang kausap ko, English ang gamit ko, subalit kung Pilipino, tahasan na wikang Pilipino ang buong puso kong binibigkas. Sapagkat kapag ako'y nangungusap, kasama ko ang aking mga ninuno at mga bayaning naghandog ng buhay upang magkaroon ng isang bansang Pilipinas. Ipinagmamalaki ko ito at ipinapakita sa gawa. 
    Nanlulumo at kinakagat ko ang dulo ng aking dila, kapag nakakasaksi ako ng mga Pilipino daw na nagpupumilit na magsalita ng English gayong mistula namang nakakangilo na yuping yero na tinatapakan ang tunog kung kausap ang kapwa Pilipino. Kahalintulad sila ng kinakatay na baboy kung maka-igik sa indayog at pagyayabang sa wikang English. Bakit kaya nais nilang English ang usapan gayong pawang Pilipino ang isinasagot ng iba, Pilipino sa Pilipino, huwad at tunay? O, dahil ba sa wala silang kaalaman sa ating sariling wikang Pilipino? Anong tawag mo sa likas daw na Pilipino na hindi marunong magsalita ng sariling wika, dayuhan sa sariling bansa? Hilaw? Panis? Walang muwang? Tuod na inaanod ng rumaragasang tubig? Pasakay-sakay at walang direksiyon kung saan patutungo? Kahabag-habag naman sila.

   Nagpapasalamat ang AKO, tunay na Pilipino sa kanila, sapagkat sa kanilang kamusmusan sa kabatirang Pilipino ay sumulpot at pumailanlang ang blog na ito sa internet at magiliw na nagpupugay sa lahat ng ating mga kababayan na nagnanais magbalik-tanaw sa ating mga tradisyon, kultura, at kaugaliang tunay na Pilipino.

   Makibahagi po tayo, laging sumubaybay, at makipagtulungan na mapalaganap ang ating mga katutubong 
pagkakakilanlan kung sino tayo, saan nanggaling, anong lahi, kaisipan, wika, at bansa.

   Tayong lahat ay IsangPilipino!

  Ang inyong kabayang Tilaok
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Pag-uulit nang Makintal sa Isip

Sa Inyong Kaalaman

   Marami ang lumiliham sa akin; na humihiling na lakipan ko ng karagdagang kahulugan ang ilan sa mga katagang aking ginamit sa kababasang paksa, upang ganap na maunawaan nila ang nilalaman nito. At ito nama'y buong puso kong pauunlakan. Isang malaking kasiyahan sa ganang akin, ang makapaglingkod sa kapwa, at higit pa ang makapag-ambag sa larangan ng makabuluhang inpormasyon, kabatiran, at piling-pili na mga naging karanasan ko bilang dayuhang manggagawa sa ibang bansa. 
 
  Paumanhin lamang po bilang patiuna, sapagkat hindi ako isang manunulat at walang napag-aralan tungkol dito. Kasalukuyan pang nagsusunog ng kilay sa larangang ito. Kaysa manood ng paulit-ulit na palabas sa telebisyon o magtungo sa kapitbahay at makipag-huntahan hanggang kumalam ang sikmura, makakabuting idaan ko na lamang ito sa pagsusulat. Kahit isa o dalawa man ang napaligaya ko sa araw na ito, masaya na ako at mahimbing na makakatulog. Dalangin ko ito sa araw-araw na ako'y pagkalooban ng papapala na makaganti sa iba, kahit man lang sa maliit na kakayahang ito.
   
   Doon sa mga "edukado" o mga guro na nakakaalam ng Pilipino; ang masasambit ko lamang, makakabuti ang magturo kaysa ang pumintas. Ang pumuna nang walang kalakip na pagtatama ay isang pamimintas. At kung ikaw ay namimintas; may malaking bagabag kang dinadala at hindi magawang itama ang mga ito sa iyong sarili, at ang iyong buong atensiyon ay nakabaling sa pagpintas ng iba. Kung nasa manibela ka ng humaharurot na kotse, pawang aksidente ang aabutin mo. Aba'y gumising ka naman at makipagtulungan ka, hindi pa huli ang lahat para sa iyo!

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan