Pabatid Tanaw

Saturday, September 29, 2018

Pag-uulit nang Makintal sa Isip

Sa Inyong Kaalaman

   Marami ang lumiliham sa akin; na humihiling na lakipan ko ng karagdagang kahulugan ang ilan sa mga katagang aking ginamit sa kababasang paksa, upang ganap na maunawaan nila ang nilalaman nito. At ito nama'y buong puso kong pauunlakan. Isang malaking kasiyahan sa ganang akin, ang makapaglingkod sa kapwa, at higit pa ang makapag-ambag sa larangan ng makabuluhang inpormasyon, kabatiran, at piling-pili na mga naging karanasan ko bilang dayuhang manggagawa sa ibang bansa. 
 
  Paumanhin lamang po bilang patiuna, sapagkat hindi ako isang manunulat at walang napag-aralan tungkol dito. Kasalukuyan pang nagsusunog ng kilay sa larangang ito. Kaysa manood ng paulit-ulit na palabas sa telebisyon o magtungo sa kapitbahay at makipag-huntahan hanggang kumalam ang sikmura, makakabuting idaan ko na lamang ito sa pagsusulat. Kahit isa o dalawa man ang napaligaya ko sa araw na ito, masaya na ako at mahimbing na makakatulog. Dalangin ko ito sa araw-araw na ako'y pagkalooban ng papapala na makaganti sa iba, kahit man lang sa maliit na kakayahang ito.
   
   Doon sa mga "edukado" o mga guro na nakakaalam ng Pilipino; ang masasambit ko lamang, makakabuti ang magturo kaysa ang pumintas. Ang pumuna nang walang kalakip na pagtatama ay isang pamimintas. At kung ikaw ay namimintas; may malaking bagabag kang dinadala at hindi magawang itama ang mga ito sa iyong sarili, at ang iyong buong atensiyon ay nakabaling sa pagpintas ng iba. Kung nasa manibela ka ng humaharurot na kotse, pawang aksidente ang aabutin mo. Aba'y gumising ka naman at makipagtulungan ka, hindi pa huli ang lahat para sa iyo!
   Nagkataon lamang po na dito sa aming lalawigan ng Bataan, palasak na ang ganitong mga kataga. Nagagawa pa ng marami sa amin ang tumula ng magkakatugma sa huli, sa tuwing may mga pagdiriwang, sa mga umpukan, at lalo na kapag may lamayan. Nais ko lamang na ipabatid ito sa lahat, at makapagdagdag kaalaman sa ating wikang Pilipino. Sapagkat sa maraming ugnayan at talakayan na aking naranasan, malimit na itinatanong ko ang mga natatanging kataga na ito na bihira ko na ring naririnig kapag ako'y nasa Kalakhang Maynila, mga lalawigan ng Bulacan, Laguna, Cavite, Batangas, Rizal, Quezon, Mindoro, at sa marami pang mga pook ng katagalugan, at maging sa pagbabasa ng mga magasin at mga pahayagan, ay bihira kong masumpungan, kadalasa'y Taglish at Englog na pinaghalo. Kaya nga sinasadya kong dinaragdagan ng mga palabok at palaman na paulit-ulit, pinaliligoy-ligoy ang aking mga sinusulat, sa pagnanais na mapanumbalik ang kabatiran ng mga ito. 
 Halimbawa, nasaksihan at narining ko ang mga ito:
   Mula sa isang nerd na baget; "i-surrender sana ang brother niya at may reward pa siya."
         sa pahayagan; "isinorinder si Tibo ng kanyang brad kaya nagkariward ito."
         sa radyo: "At dis poynt, sumurinder na si Tibo at ang riward ay idinistribiyut sa mga polis."
          sa telebisyon; "Arestado na si Tibo at ang rewad ay na-recieved ng brother niya."
  Subukang magbasa ng pahayagan sa Pilipino at makinig sa telebisyon at radyo at mapatutunayan ninyo ang mga ito.
    Narito ang mga pagsasalin ng mga nasa itaas:
        Isuko sana ang kapatid niya at may gantimpala pa siya.
        Isinuko si Tibo ng kanyang kapatid kaya nagkagantimpala ito.
        Sa puntong(tagpong) ito, sumuko na si Tibo at ang gantimpala ay ipinamahagi sa mga pulis.
        Nahuli na si Tibo, at ang gantimpala ay tinanggap ng kanyang kapatid.
  Narito naman ang mga katagang Bataan (kagyat na naisip sa sumandaling ito):
      pusali at burak                     karimlan at kawalan                 pangitain at guni-guni
      tampisaw at paglunoy          himatong at pahapyaw              balintuna at atubili
      tumana at  palispisan            tandos at tudling                       sambit at pasaring
      baga at alipato                     tampalasan at tulisan                sumisikdo at sumusulak    
      dakdak at panunton             bulay-bulay at kuro-kuro          alibadbad at alimoom        
      talipandas at haliparot          alibugha at timawa                    salipawpaw at panginorin
      halaghag at haragan             kasigwaan at daluyong              hagulgol at hagikgik        
      balibag at pukol                   dukwang at hablot                    dunggol at saklit
      gulamot at dalirot                 umigsaw at gulantang                lamukot at hilatsa
      alingasaw at halimuyak         tingaro at tamimi                       sakbibi at alimpuyo
      alimura  at uyam                  dalumat at sapantaha                 sinok at tighaw
      bulagaw at pusyaw              simi at basaysay                        halinghing at singasing
      taliptip at pukto                    palatak at kalantog                   alumpihit at salampak
      tambaw at alulong                siha at siwang                           maimbot at sakim
   Ang matindi dito at ayaw maiparinig lalo na sa Bataan, ay ang pandaiwang. Dahil kaakibat nito ang mga pandidiri, masangsang, paninikit at dulas, na nagtatapos sa kataga ng pagiging salaula, ito naman ay kung nakaligtaan mong gamitin ito.    
        
    Mula sa Batanes ng Hilagang Luzon hanggang sa Sulu ng Katimugang Mindanaw, bata at matanda ay nakapagsasalita na ng ating sariling wikang Pilipino. Bagama't ito'y hango sa Tagalog, marami na ang naidagdag mula sa iba't-ibang wika ng ating kapuluan. Sa pagsasanib ng ating mga katutubong wika, mapapabilis natin ang pag-unlad at paglaganap ng tunay na sariling wika natin. Taas noo nating mahaharap sinuman, saan mang mga ugnayan at mga talakayan.
At bukas po ang pintuan dito sa inyong mga ambag kabatiran. Magtulungan po tayo.
  
  Isang karangalan at ibayong pagtitiwala sa iyong sarili, bilang tunay na Pilipino ang may kabatiran ka at matatas sa sariling wikang Pilipino. 
 

   Ito ang isa sa aking mga layunin sa blog na ito ng wagasmalaya.blogspot.com. Ang mabalikan at matutuhan nating muli ang ating sariling wikang Pilipino. Marami na sa ating mga kataga ang hindi na ginagamit sa pangungusap. Pawang Taglish at Englog na lamang na pinaghalo ang namamayani ngayon sa telebisyon, radyo, at mga pahayagan. Pinipilit na tambakan ng katakot-takot na klorete ang ating mukha na tulad ng isang rebulto. Marami ang hindi nakakaalam na isang uri ng pagkitil ito upang tuluyan nang mawala ang ating pagkakilala sa ating mga sarili, at mangahulugan ng pagkakawatak sa isa't isa. Ang bayang walang pagmamasalakit sa sariling wika at mga kultura ay walang dangal at pagkakakilanlan. Walang anino at pinanggalingan, putok sa buho at palaging nakikisakay sa mga banyagang kultura. Amoyong ang taguri dito at palasak naman ang timawa. Dahil walang personalidad na matatawag na sariling kanya. Nasabi lamang daw silang mga Pilipino. 

   Kapag Amerikano o alinmang banyaga ang kausap ko, English ang gamit ko, subalit kung Pilipino, tahasan na wikang Pilipino ang buong puso kong binibigkas. Sapagkat kapag ako'y nangungusap, kasama ko ang aking mga ninuno at mga bayaning naghandog ng buhay upang magkaroon ng isang bansang Pilipinas. Ipinagmamalaki ko ito at ipinapakita sa gawa. 
    Nanlulumo at kinakagat ko ang dulo ng aking dila, kapag nakakasaksi ako ng mga Pilipino daw na nagpupumilit na magsalita ng English gayong mistula namang nakakangilo na yuping yero na tinatapakan ang tunog kung kausap ang kapwa Pilipino. Kahalintulad sila ng kinakatay na baboy kung maka-igik sa indayog at pagyayabang sa wikang English. Bakit kaya nais nilang English ang usapan gayong pawang Pilipino ang isinasagot ng iba, Pilipino sa Pilipino, huwad at tunay? O, dahil ba sa wala silang kaalaman sa ating sariling wikang Pilipino? Anong tawag mo sa likas daw na Pilipino na hindi marunong magsalita ng sariling wika, dayuhan sa sariling bansa? Hilaw? Panis? Walang muwang? Tuod na inaanod ng rumaragasang tubig? Pasakay-sakay at walang direksiyon kung saan patutungo? Kahabag-habag naman sila.

   Nagpapasalamat ang AKO, tunay na Pilipino sa kanila, sapagkat sa kanilang kamusmusan sa kabatirang Pilipino ay sumulpot at pumailanlang ang blog na ito sa internet at magiliw na nagpupugay sa lahat ng ating mga kababayan na nagnanais magbalik-tanaw sa ating mga tradisyon, kultura, at kaugaliang tunay na Pilipino.
   Makibahagi po tayo, laging sumubaybay, at makipagtulungan na mapalaganap ang ating mga katutubong 
pagkakakilanlan kung sino tayo, saan nanggaling, anong lahi, kaisipan, wika, at bansa.

   Tayong lahat ay IsangPilipino!




  
   

Ang inyong kabayang Tilaok
 
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan






No comments:

Post a Comment