Pabatid Tanaw

Saturday, September 29, 2018

Paumanhin lamang po

   Marami ang lumiliham sa akin; na humihiling na lakipan ko ng karagdagang kahulugan ang ilan sa mga katagang aking ginamit sa kababasang paksa, upang ganap na maunawaan nila ang nilalaman nito. At ito nama'y buong puso kong pauunlakan. Isang malaking kasiyahan sa ganang akin, ang makapaglingkod sa kapwa, at higit pa ang makapag-ambag sa larangan ng makabuluhang inpormasyon, kabatiran, at piling-pili na mga naging karanasan ko bilang dayuhang manggagawa sa ibang bansa. 
 
  Paumanhin lamang po bilang patiuna, sapagkat hindi po ako isang manunulat at walang napag-aralan tungkol dito. Kasalukuyan pang nagsusunog ng kilay sa larangang ito. Kaysa po manood ng paulit-ulit na palabas sa telebisyon o magtungo sa kapitbahay at makipag-huntahan hanggang kumalam ang sikmura, makakabuting idaan ko na lamang ito sa pagsusulat. Kahit isa o dalawa man ang nakaunawa at napaligaya ko sa araw na ito, masaya na ako at mahimbing na makakatulog. Dalangin ko ito sa araw-araw na ako'y pagkalooban ng papapala na makaganti sa iba, kahit man lang sa maliit na kakayahang ito.
   
   Doon sa mga "edukado" o mga guro na nakakaalam ng wikang Pilipino; ang masasambit ko lamang, makakabuti ang magturo kaysa ang pumintas. Ang pumuna nang walang kalakip na pagtatama ay isang pamimintas. At kung ikaw ay namimintas; may malaking bagabag kang dinadala at hindi magawang itama ang mga ito sa iyong sarili, at ang iyong buong atensiyon ay nakabaling sa pagpintas ng iba. Kung nasa manibela ka ng humaharurot na kotse, at laging nakatingin sa gawain ng iba... pawang aksidente ang aabutin mo. Aba'y gumising ka naman at makipagtulungan ka, hindi pa huli ang lahat para sa iyo!
 
   Hanggang ngayon, marami pa rin sa atin ang TULOG, NATUTULOG, at NAGTUTULOG-TULOGAN. May kawikaan po tayo, "Kung hindi ka kikilos, ikaw ay kikilosin ng iba."
 
 Ang inyong kabayang Tilaok
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan







No comments:

Post a Comment