Pabatid Tanaw

Saturday, September 29, 2018

Itaguyod ang Ating Pambansang Wika


   Ito ang isa sa aking mga layunin sa blog na ito ng wagasmalaya.blogspot.com. Ang mabalikan at matutuhan nating muli ang ating sariling wikang Pilipino. Marami na sa ating mga kataga ang hindi na ginagamit sa pangungusap. Pawang Taglish at Englog na lamang na pinaghalo ang namamayani ngayon sa telebisyon, radyo, at mga pahayagan. Pinipilit na tambakan ng katakot-takot na klorete ang ating mukha na tulad ng isang rebulto. Marami ang hindi nakakaalam na isang uri ng pagkitil ito upang tuluyan nang mawala ang ating pagkakilala sa ating mga sarili, at mangahulugan ng pagkakawatak sa isa't isa. Ang bayang walang pagmamasalakit sa sariling wika at mga kultura ay walang dangal at pagkakakilanlan. Walang anino at pinanggalingan, putok sa buho at palaging nakikisakay sa mga banyagang kultura. Amoyong ang taguri dito at palasak naman ang timawa. Dahil walang personalidad na matatawag na sariling kanya. Nasabi lamang daw silang mga Pilipino. 

   Kapag Amerikano o alinmang banyaga ang kausap ko, English ang gamit ko, subalit kung Pilipino, tahasan na wikang Pilipino ang buong puso kong binibigkas. Sapagkat kapag ako'y nangungusap, kasama ko ang aking mga ninuno at mga bayaning naghandog ng buhay upang magkaroon ng isang bansang Pilipinas. Ipinagmamalaki ko ito at ipinapakita sa gawa. 
    Nanlulumo at kinakagat ko ang dulo ng aking dila, kapag nakakasaksi ako ng mga Pilipino daw na nagpupumilit na magsalita ng English gayong mistula namang nakakangilo na yuping yero na tinatapakan ang tunog kung kausap ang kapwa Pilipino. Kahalintulad sila ng kinakatay na baboy kung maka-igik sa indayog at pagyayabang sa wikang English. Bakit kaya nais nilang English ang usapan gayong pawang Pilipino ang isinasagot ng iba, Pilipino sa Pilipino, huwad at tunay? O, dahil ba sa wala silang kaalaman sa ating sariling wikang Pilipino? Anong tawag mo sa likas daw na Pilipino na hindi marunong magsalita ng sariling wika, dayuhan sa sariling bansa? Hilaw? Panis? Walang muwang? Tuod na inaanod ng rumaragasang tubig? Pasakay-sakay at walang direksiyon kung saan patutungo? Kahabag-habag naman sila.

   Nagpapasalamat ang AKO, tunay na Pilipino sa kanila, sapagkat sa kanilang kamusmusan sa kabatirang Pilipino ay sumulpot at pumailanlang ang blog na ito sa internet at magiliw na nagpupugay sa lahat ng ating mga kababayan na nagnanais magbalik-tanaw sa ating mga tradisyon, kultura, at kaugaliang tunay na Pilipino.

   Makibahagi po tayo, laging sumubaybay, at makipagtulungan na mapalaganap ang ating mga katutubong 
pagkakakilanlan kung sino tayo, saan nanggaling, anong lahi, kaisipan, wika, at bansa.

   Tayong lahat ay IsangPilipino!



  Ang inyong kabayang Tilaok
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan




No comments:

Post a Comment