Pabatid Tanaw

Saturday, January 07, 2017

Habang-buhay ang Pag-aaral



9.  MAG-ARAL  -Patuloy na mag-aral nang matuto sa buhay, at upang  maging matagumpay,  ang pag-aaral ay walang humpay

Sa takbo ng mabilis na panahon at walang hintong pagsulong sa teknolohiya, kung hindi ka sasabay, ikaw ay mapag-iiwanan. Anumang nalalaman ay kailangang dinadagdagan upang lalong maging mahusay. At ang mga kakayahan ay laging sinasanay nang hindi kalawangin at mabitin. Anumang makabuluhang potensiyal na nasa iyo ay kailangang mailabas at mapakinabangan. Walang silbi ang karunungan kung hindi ito nagagamit. Kahit punuin mo pa ng katakot-takot na mga diploma, mga sertipiko, mga katibayan, at mga karangalan ang iyong mga dingding… wala itong mga kabuluhan kung wala namang kapakinabangan.
   Umiwas tayo sa limitadong paniniwala at ipokus natin sa kung ano ang higit na praktikal at makabuluhan na makakatulong sa atin. Hangga’t nasisiyahan ka sa iyong kalagayan, patunay lamang ito na wala ka ng pag-asa pang makaahon sa iyong kinasadlakan. Ang pagiging komportable ang salarin kung bakit nauusyami at walang sigla ang iyong pananaw sa buhay. Lumabas ka sa iyong lungga at dagdagan pa ang iyong mga kaalaman at mga kabatiran sa makabagong panahon. Kung hindi ka kikilos, ikaw ay kikilosin ng iba.
   Hindi rin magaling na maging eksperto ka sa pangagaya ng iba, o ang pagsunod sa mga kaugalian at tradisyon. Ginagawa ito ng mga tupa. Hindi kailanman ginagawa ito ng mga tagalikha, mga imbentor, at mga tagapagbago.
   Tanggap na sa ating lipunan, na kung walang kalansing ang iyong bulsà, mababa ang respeto ang iyong makukuhà. Kahit na dalubhasà ka sa larangang pinasok mo at maraming papuri ang ipinukol sa iyo, wala rin itong halaga kung wala kang maipakita na mahahawakang resulta. Anumang dunong ang mayroon ka, kung hindi ito nahahasâ, walang talim itong makakahiwâ.
Anumang bagay na hindi pinahalagahan, inalagaan, at dinagdagan, ikaw ay iiwanan.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment