Pabatid Tanaw

Sunday, January 08, 2017

Tinatanggap Kita


8.  PAGTANGGAP  -Maging komportable at nasisiyahan sinuman ikaw

Sapagkat tayo ay mga tao lamang at sinuman ay hindi perpekto, bahagi ng ating pagkatao ang pagkakamali, kaya nga nilikha ang lapis na may pambura upang itama anuman ang ating kamalian. Kadalasan inihahalintulad natin ang ating nadarama sa kung ano ang ating nakikita. Hangga’t may taguri o pangalan tayong inilalapat sa ating nakikita, kinukulayan natin ang tunay na anyo o pagkatao ng sinuman. Kung sa unang pagkikita pa lamang sa isang tao ay may paghatol ka nang iniuukol, kailanman ay apektado na ang iyong relasyon sa kanya.
   Ganito din kung papaano natin kulayan ang ating damdamin. Higit tayong binabalisà ng ating mga pagkakamali, mga kakulangan, at mga kabiguan sa buhay, gayong kung lilimiin lamang nating mabuti, bahagi ito ng buhay para tayo tumatag at manatiling matibay. Kung magagawa nating tanggapin nang masaya anuman ang mayroon tayo, anumang kapintasan na ipinupukol sa atin, anumang kapangitan na nararamdaman natin, dahil higit na kailangan natin ang maging mapayapa at maligaya.
   Gumalang tayo kahit na sa mga taong hindi karapat-dapat, hindi bilang isang repleksiyon tungkol sa kanilang pagkatao, kundi isang repleksiyon ng ating sariling katauhan. Higit sa lahat, tanging tayo lamang ang nakakakilala nang lubusan kung sino tayong talaga… eto naman ay kung gising ka na at hindi tulog, natutulog, at …nagtutulog-tulugan.
   Kung mapag-aaralan lamang nating tanggapin ang ating mga sarili, kasama na ang mga peklat, ang mga kulubot at pati na ang mga tigidig, at mabuting pakitunguhan ito lalo na kapag ang mga bagay ay nangyayari nang hindi natin kagustuhan, magagawa nating itaas ang satispaksiyon o pagtatamasa sa buhay na ito. Nagiging matatag at maginhawa ang iniuukol nating pagtalima anuman ang ating kinahaharap sa buhay. At sa punto ding ito, nagagawa rin nating maging magiliw na tanggapin ang iba kung sinuman sila.
   Limiin ito: Ang isang bulaklak ay hindi nag-iisip na makipagpaligsahan sa katabing bulaklak. Ang tanging layunin nito ay humahalinang bumukadkad at magsabog ng kanyang bango. At… 85% na porsiyento ng iyong tagumpay sa relasyon at negosyo ay dahil sa iyong personalidad at abilidad na makipag-komunikasyon, makipag-negosasyon, at pamumuno. Ang nakakagimbal dito, ay 15% porsiyento lamang and dahil sa kaalam ng teknikal, o kakapusan sa kaalaman.
   Kung may pagpapahalaga ka sa iyong sarili, pahahalagahan ka din ng iba.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment