Pabatid Tanaw

Saturday, January 07, 2017

Magbigay nang Mabigyan

 
10. MAGBIGAY  -Gumawa ng mga bagay na ikakalugod ng iyong kapwa.  
Ang pagmamalasakit sa iba ay isang pangunahing sangkap na ating ikaliligaya. Ang tumulong doon sa mga karapatdapat ay hindi lamang para sa kanilang mga kapakanan, bagkus ito ay para din sa atin upang tayo ay maging masaya at mapayapa. Ang pagbibigay ay lumilikha din ng matibay na koneksiyon sa pagitan ng mga tao at nakakatulong na maging matatag ang lipunan para sa lahat. Hindi ito tungkol lamang sa salapi—makapaglalaan din tayo ng kaukulang panahon, mga angkop na handog, mga ideya at kalakasan na ating maiaambag. Mga pagdamay na makagawa ng malaking kaibahan sa buhay ng iba. Kung nais na makaramdam ng kabutihan, gumawa tayo ng kabutihan.
   Kabilang sa mga bagay na buong puso mong patuloy na maibibigay ay…
                    Ang iyong magiliw na ngiti,
                      Ang mahinahon mong pangungusap,
                        Ang hindi mapapasubaliang mga salita at pangako,
                             At ang mapagpasalamat na saloobin.
   Habang ikaw ay tumatanda, higit mong mauunawaan na hindi kung ano ang narating mo at gaano ang naipundar mo, ito ay tungkol lamang sa kung anong pagkatao ang naging IKAW. Isang karangalan ang boluntaryong paglilingkod ng sarili. Patunay ito na nakamit mo na ang antas ng pagkakakilanlan na nagdedetermina kung sino ka, ano ang naiambag mo, at ano ang magagawa mo pa. Kapag makapagbibigay ka nang walang pakiramdam na humihingi na apresiyeson o papuri mula sa nakatanggap o aprobal mula sa lipunan, nakamtan mo na ang iyong katauhan bilang tunay na Pilipino.
   Sa katapusan, tatlong bagay lamang ang makabuluhan: kung gaano ka nagmahal, kung gaano ka magiliw na namuhay, at kung gaano kahinahon na pinawalan mo ang mga bagay na hindi nararapat sa iyo. Ang paglilingkod na ating ibinibigay sa iba ay siya lamang tunay na kabayaran sa ating pagkakalitaw sa mundong ito.
   Kung may nais kang makuha…ibigay mo muna.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan






No comments:

Post a Comment