Pabatid Tanaw

Saturday, April 30, 2016

Tanunging Masinsinan ang Sarili

Madalas kong sabihin ito, “Kung nais mo ng mahusay na kasagutan, maglaan ka ng mahusay na katanungan.” Nalalagay lamang tayo sa alanganin, kapag may alinlangan tayo sa ating mga pagkilos. Nagaganap lamang ito dahil mali at lihis sa katotohanan ang nakuha nating inpormasyon. Sapagkat mali ang tanong kaya naging mali ang sagot.
   Laging tanungin ang sarili ng dalawang katanungan:
Sa trabaho o proyektong nakaharap sa iyo ngayon
1-Mayroon bang makakagawa nito nang mahusay kaysa akin?
Isang paraan lamang ito sa pagsasabing: Kilalanin mo ang iyong sarili, at alamin ang mga tao na nasa iyong tabi, nasa iyong paligid, kasama, katrabaho, o maging kakompetensiya. Kapag higit ang kanilang kakayahan kaysa iyo, pagkakataon mo na ito upang lalo mo pang pag-ibayuhin na mapaunlad ang iyong mga katangian at kakanyahan. Sapagkat kung hindi ka nakakatulong, isa kang problema at hindi solusyon para sa kanila.
2-Ano ba ang bagay na kunwari ay hindi ko nakikita?

Lahat tayo sa panahon ng tagumpay ay nakakalimot na panandalian lamang ito at kinakailangang lalo pa nating paghusayin ang susunod nating mga gawain. Hindi ang daigin ang katunggali kundi ang talunin ang ating sarili mismo sa ating nagawa kahapon ng bagong kahusayan ngayon. Bago tayo lumutang sa alapaap at matayog na lumipad, minsan pa tayong masinsinang tumingin sa lupa dahil ito ang ating lalagpakan sa ating pagbagsak kapag hindi tayo natutong magpakumbaba sa panandaliang papuri na ating natatanggap.
Wika ng aking tagapayo, "Walang nagsisi sa una at simula, kundi laging sa bandang huli."

No comments:

Post a Comment