Pabatid Tanaw

Saturday, April 30, 2016

Iwasan ang maging Bulaan

Sa bibliya ay madalas na nababanggit ito, "huwag paakay sa mga bulaang propeta." Isang pahayag ito na nagpapaliwanag sa darating na kapahamakan kung sasama ka at susunod sa mga bulag at hindi mapagkakatiwalaang mga tao. Iwasang maging bulaan ang iyong pagkatao, isang indikasyon ito na wala kang pagtitiwala sa iyong sarili anuman ang iyong ginagawa. Gawain ito ng mga pulitiko lalo na yaong mga balimbing, palipat-lipat ng mga partido kung sino ang malakas na grupo ay doon sila kumakapit at pumapanig. Sa kaunting unos lamang ay tumatakbo na at iniiwan ang dating partido at lumilipat sa iba para makaseguro.
   May kawikaan, “Ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw.” Hindi na tayo magtataka pa kung bakit sa hanay ng mga pulitiko wala tayong makitang matino, kundi pawang likas na mga sinungaling at walang inaatupag kundi ang magnakaw sa kaban ng bayan. Institusyon na para sa kanila ang korapsiyon, panunuhol, pangingikil, at pagbebenta ng reputasyon. Ang pulitika ay sagisag ng salamangka, “Kung nais mong dayain ka, sa pulitiko ka magpunta.”

   Kung nagnanasa ka na mapaganda ang iyong integridad, matapat, at may respeto, pakaiwasan na maging bulaan.

No comments:

Post a Comment