Pabatid Tanaw

Saturday, April 30, 2016

Pataasan ng Apog

Walang saysay ang patigasan ng asal, “Kung matigas siya, higit akong matigas kaysa kanya!” “Kung ayaw niya ay ayaw ko rin!” Batas ito ng kagubatan, at matira ang matibay. Nakasulat ito: Ang “Mata sa mata.” (An eye for an eye) ay nag-iiwan ng pagka-bulag (blindness), at ang “Ngipin sa ngipin.” (a tooth for a tooth) ay nag-iiwan naman ng pagka-bungal (toothlessness).
   Sinuman sa atin ay walang maipapakitang kabuluhan o maging kapakinabangan kapag sinusunod ang patakarang “Makuha sa Patigasan” –lalo lamang nagpapalubha ito sa sitwasyon. Ito ang kundisyong, “Kung tama ka, lalo akong higit na tama kaysa iyo!” Pagpapatunay lamang ito na, walang patutunguhan ang ganitong patigasan kundi sayangin ang mga pagkakataon at pati na ang panahon na dapat sana ay maiukol sa tamang kapasiyahan at mabuting relasyon.
   Maraming pagsasamahan ang nabuwag at nauwi sa alitan at awayan dahil lamang sa patigasan ng loob. Hindi matanggap ng magkabilang panig kung sino sa kanila ang mauunang magpakumbaba at magawang sumuko. Higit pa nilang binibigyan ng atensyion ang sasabihin ng iba kaysa sundin ang pagkakasundo. Nahihiya sila na maipakita sa iba na sila ang nagkamali kung mauuna silang susuko.

   Ano ba ang higit na mainam at makakabuti? Ang upasala ng iba o ang pagsurot ng sariling budhi?

No comments:

Post a Comment