Pabatid Tanaw

Saturday, April 30, 2016

Nasa Karakter, hindi sa Titulo

Ang kalidad ang nangungusap, hindi ang kalagayan, estado, titulo o posisyong tinataglay ng isang tao. Bagamat may karapatan na ipakita ng iba ang kanilang mga natapos, mga napagtagumpayan, o nakamit na mga parangal at halos matakpan na ang dingding ng mga diploma, mga sertipikko, at mga katibayan ng papuri, hindi pa rin maipagkakaila na mga palamuti lamang ang mga ito kung ang pagbabatayan ay kung anong uri ng pagkatao ang nagawa ng mga ito sa isang tao.
   Nasa gawa at hindi sa salita makikilala ang katotohanan. Marami ang magagaling mangusap, lalo na yaong mga nasa radyo at telebisyon, mga aral sila at sinanay ang mga sarili, subalit paimbabaw lamang ito dahil marami din sa kanila ang hindi makabuo ng pamilya. Marami ang matatalino sa larangang pinasok, ngunit pagdating sa relasyon sa ibang tao ay mga mangmang at arogante.

   Wika nga sa Inggles, “Knowledge is power.” Ang wika ko naman, wala itong saysay kung hindi naman ito nagagamit. Kung nakapag-aral at nagpaka-dalubhasa pa ang isang tao ngunit hindi naman niya ito nagagamit, wala siyang ipinag-iba sa isang mangmang na hindi nakapag-aral. Magkatulad lamang sila ng kalagayan sa lipunan.

No comments:

Post a Comment