Pabatid Tanaw

Saturday, April 30, 2016

Isang Sugal ang Bagong Kakilala

Sa paglalakbay sa buhay, maraming tao tayong nakakasabay, nakikilala, nakakasama, at mga nakakasalubong na nakapagbibigay ng kailangan nating inpormasyon. Sa lahat ng mga ito, mayroong nakakabuti, may nakakasiya, may nakakasama, at may nakakalungkot. Sa pagpili sa kanila, bawat isa ay isang sugal. Hindi natin alam kung may panalo o may pagkatalo, may tagumpay o may kabiguan. Subalit magkagayunman, bawat isa ay nag-iiwan ng leksiyon na siyang nagpapatibay sa atin.
   Isang katotohanan, na ang bawat tao na dumarating sa ating buhay ay kusang ipinapadala ng sansinukob para gampanan ang kanilang mga nakatakdang papel sa ating buhay. Walang makapagsasabi kung ang mga ito ay isang pagpapala, isang pagpapahirap o sumpa. Masasabing isang laro na kailangan nating mapanalunan kung nagnanasa tayong mapanatili ang ating mga tagumpay sa buhay.

   Upang makatiyak ng panalo, ang unahin nating isaayos ay ang ating pagkatao. Gumalang muna nang igalang ka. Umunawa muna nang maunawaan ka. Ang pundasyon ng lahat ay nagsisimula sa ating mga saloobin, mga asal, at tamang direksiyon sa buhay. Wala kang bagay na maibibigay kung wala ito sa iyo.

No comments:

Post a Comment