Pabatid Tanaw

Saturday, April 30, 2016

Nasa Ideya ang Simula

Kung may imahinasyon, may pangarap, at may pasiyon; ang ideya ay kusang nalilikha. Kung wala ang tatlong ito, kahit na anumang pagpiga sa iyong ulo, walang lilitaw kahit na anino ng ideya na hinahanap mo.
   Sa mga alagad ng sining, tulad ng pintor, manunulat, makata, iskultor, mang-aawit, musikero, atbp., lahat ng mga ito ay nagngangailangan ng pag-iisa, puspusang atensiyon, at tamang emosyon para mahuli ang kailangang pasiyon na siyang magdedetermina ng kasiglahan at inspirasyon sa isang ideya. Nangyayari lamang ito kung may nabubuo ng ideya sa vision na lumulukob sa pagkatao ng isang tao. Ito ang panahon na naglalakbay ang kanyang diwa sa samutsaring mga panginorin.
   Marami ang nagtataka kung bakit bugnutin at hindi makasundo ang mga alagad ng sining. Sapagkat sa panahon na sila ay gising, duon sila nangangarap. Pinipilit nilang mapanatili ang momentum ng kanilang mga iniisip para makabuo ng isang ideya na masisimulan. At sa panahong ito; kailangan nila ng ibayong katahimikan, kapayapaan ng loob, at kailangang kasiyahan para makabuo ng isang inspirasyon. Ang isang sandali na abala ay katumbas ng pag-ihip para mamatay ang sindi ng isang kandila at magdilim ang paligid. Ito din ang simula kung bakit bigla ang pag-iiba ng kanyang "mood" o emosyon.

  May nagsabi, “Magbiro ka na lamang sa isang lasing, huwag lamang sa bagong gising.” Subalit duon sa mga alagad ng sining, “Huwag abalahin at kunsumihin, kung ayaw mong kalusin at sisihin.”

No comments:

Post a Comment