Pabatid Tanaw

Wednesday, March 23, 2016

Unang Panghihinayang



Sana naging matapang ako na ipinamuhay na maging totoo sa aking sarili, at hindi ang uri ng buhay na inaasahan sa akin ng iba.

Madalas, ito ang karaniwang panghihinayang na laging sinasagot ng mga may malulubhang karamdaman. Kapag naroon na sila sa katapusan, nakaratay at hindi na makakaya pang makagawa ng kaibahan sa kanilang buhay. Sa puntong ito, habang nangingilid ang luha sa kanilang mga mata, malinaw nilang binabanggit ang mga pangarap na hindi nila natupad. Mga kamalian na magagawa nilang itama kung hindi sila nagumon sa maraming bagay.
   Marami sa kanila na kahit kalahati man lamang ng kanilang mga pangarap ay hindi natupad at labis nilang pinanghihinayangan kung bakit naging sunod-sunuran sila sa dikta ng iba, sa sulsol ng kaibigan, ang alipinin ang sarili para mapasaya ang lahat, sa pangongopya para mahigitan ang iba, at mga paghahangad na makaungos sa buhay.
   Natanggap na nila, dahil sa mga maling pagpiling ito kung bakit nanatili silang nalilito at nabubugnot sa buhay. Kung maibabalik lamang at maitutuwid ang lahat, … sana

Paala-ala: Magmula nang tayo ay ipanganak, nakatingin na tayo sa ating mga magulang bilang ating mga idolo, para turuan tayo ng mga alituntunin at mga patakaran sa buhay upang maging gabay natin sa mga tamang pagkilos at mga ulirang pag-uugali na inaasahan sa atin ng iba. Anong mga asal na dapat sundin at ano ang dapat na iwasan; papaano magdamit, magsalita, gumalang, tamang relasyon at para maging huwaran, at pati na kung ano ang tamang propesyon na angkop sa kakayahang tinataglay.
Ano nga ba ang mga kinakailangan na tamang gawin upang maipamuhay ang tunay na buhay?Ang sumunod sa iba, o, ang sundin ang sariling puso?

Mga pagunita ni JesGuevara
wagasmalaya.blogspot.com

No comments:

Post a Comment