Pabatid Tanaw

Wednesday, March 23, 2016

Sana: Mga Panghihinayang



Ang buhay ay isang paglalakbay. Bawat isa sa atin ay may sariling pakete kung saan nais magtungo at kung anong mga bagay ang dapat isaalang-alang sa gagawing paglalakbay tungo sa direksiyong nais mapuntahan. Kadalasan, matapos ang maraming panahong ginugol sa paglalakbay na ito, ay nagtatapos sa matinding panghihinayang sa mga bagay na kanilang nakaligtaang gawin.
   Narito ang ilang pahayag na nagmula sa isang nurse ng isang ospital sa panahong naglilingkod siya sa mga tao na may malubhang mga karamdaman. Isinulat niya sa isang aklat ang madalas na karaniwang panghihinayang ng mga tao habang sila ay nakaratay sa ospital at naghihintay na lamang ng ilang sandali at lilisanin na ang mundong ito. Hindi kataka-taka na mabatid natin kung bakit ang mga nakalista dito na mga bagay ay siya rin nating nadarama sa ating buhay habang tayo ay nakikibaka para mabigyan ng sapat na atensiyon ang ating mga priyoridad sa buhay. Dinagdagan ko ito ng dalawa pang pahayag na kailangan natin sa panahong ito.
   Paala-ala: Isang bagay lamang bago tayo manghinayang sa buhay na ito. Mahalaga na matandaan na anumang estado o kalagayan naroon tayo sa buhay, hindi kailangan ang manghinayang. Walang mapapala o pakinabang man sa panghihinayang kundi mga kapighatian sa ating mga sarili kapag sinimulan nating magpakalunod sa nakaraan, doon sa mga bagay na hindi natin nagawa at nakaligtaang gampanan. Huwag nating payagan na diktahan tayo ng mga alalahaning ito para mabagabag nang husto at mapinsala pa ang katinuan ng ating isipan. Sa halip, gawin nating tuntungan ang nakaraan para maunawaan kung anong mahusay na pagbabago na ating magagawa upang makasulong nang walang alinlangan.
   Ang pagbabagong ito ay hindi nakabatay sa mga pasakit, pamamanglaw, paninisi sa sarili at mga paghatol na sumisira sa isipan para mawalan ng pag-asa, kundi simpleng pagpili na magawa ang maraming bagay sa naiibang kaparaanan. Patuloy tayong natututo sa lahat ng sandali, ngunit hindi kailangang lunurin natin sa tuwina ang ating mga sarili sa mga kamalian at mga kabiguan. Kapag dumarating ang kundisyong ito, tanggapin natin na ang nakaraan ay hindi na mababalikan pa, hindi na mauulit pang muli, at pakatandaan na ang bawat sandali ay may bago tayong pagpili, malaya nating mapipili kung ano ang higit na mahalaga ngayon, ang nakaraan o ang bukas?

Unang Panghihinayang
   Sana naging matapang ako na ipinamuhay na maging totoo sa aking sarili, at hindi ang uri ng buhay na inaasahan sa akin ng iba.
Ikalawang Panghihinayang
   Sana hindi ako naging subsob sa trabaho.
Ikatlong Panghihinayang
   Sana ay nagawa kong naging matapang na ipahayag ang aking mga nadarama.
Ikaapat na Panghihinayang
   Sana naglaan pa ako ng maraming sandali sa aking mga matatalik na kaibigan.
Ikalimang Panghihinayang
   Sana nagawa ko sa aking sarili na maging masaya sa tuwina.
Ikaanim na Panghihinayang
   Sana naibuhos ko ang mahahalagang panahon para sa aking mga mahal sa buhay.
Ikapitong Panghihinayang
   Sana ay hindi ko nakaligtaan na sa bawat sandali, ay may Dakilang Diyos na siyang nagbibigay ng liwanag kapag ako ay nagkakamali.

 Sana   …….

   Basahin lamang at limiing mabuti ang sumusunod na mga pahayag sa ibaba para maunawaang mabuti. At apuhapin sa ating mga puso kung saan maaari nating mailakip at maging panuntunan ang mga ito sa ating buhay simula sa araw na ito.
  Para sa ikalilinaw upang magkaroon ng gabay:
     Kung ikaw ay mamamatay na sa araw na ito, ano ang higit mong panghihinayangan (at papaano mo ito mababago para huwag nang maranasan pa ang mga kapighatiang idudulot nito kapag hindi mo ginawa)?

Mga pagunita ni JesGuevara
wagasmalaya.blogspot.com

No comments:

Post a Comment