Pabatid Tanaw

Wednesday, March 23, 2016

Ikalawang Panghihinayang



   Sana hindi ako naging subsob sa trabaho.

Sa ospital, lalo na doon sa ICU (Intensive Care Unit), hinahanap-hanap nila ang kabataan ng kanilang mga anak, noong maliliit pa ang mga ito, at maging noong mga bata pa sila ng kanilang mga asawa at nagsisimulang magpamilya. Madalas binabalikan nila ang mga nasayang na panahon noon at nagpapalaki ng kanilang mga anak.
   Ang mga pasyenteng babae ang higit na may panghihinayang, lalo na doon sa mga may katandaan na, dahil karamihan sa kanila ay nalublob sa kanilang mga gawain at nakaligtaan ang pagiging ina sa kanilang mga anak. Doon naman sa mga pasyenteng lalake, sinisisi nila ang kanilang mga sarili kung bakit nagumon sila sa trabaho at wala ng panahon para sa pamilya, lalo na kapag dumarating ang mga kaarawan, mga pagtatapos sa paaralan, at mga anibersayo. Naging subsob sila sa pagkita ng pera na siyang mahalaga para sa kanila sa panahong higit silang kailangan ng pamilya.

Paala-ala: Gaya ng kawikaan, “Walang sinuman na sinipa ang kanyang sarili habang naghihingalo na sa banig ng karamdaman dahil lumiban siya sa pagpasok sa trabaho.” Kung minsan higit na mahalaga kaysa pamilya ang pumasok sa trabaho, walang pagliban sa araw-araw na tila ritwal na ito, at madalas nakikisama at pinagbibigyan ang kahilingan ng iba. Hindi ba isang kalapastangang maituturing na may panahon ka sa barkada mo, sa Facebook at Twitter ngunit wala kang sapat na panahon para sa iyong mga mahal sa buhay? 
Ano nga ba ang tamang priyoridad para sa iyo? Ang ibang tao, o ang sarili mong pamilya?

Mga pagunita ni JesGuevara
wagasmalaya.blogspot.com


No comments:

Post a Comment