Pabatid Tanaw

Wednesday, March 23, 2016

Ikatlong Panghihinayang



Sana ay nagawa kong naging matapang na ipahayag ang aking mga nadarama.

Karamihan ay nagsisisi ang mga pasyente kung bakit nawalan sila ng lakas na maiparating ang kanilang damdamin. Marami sa kanila, para lamang huwag may magalit, pinipilit na itago ang kanilang pangagalaiti, nagkakasya na lamang na itago ito at sarilinin. Higit pa nilang inaayunan ang isang pagkakamali kaysa tumindig at ipaglaban ang kanilang mga prinsipyo. Mga katwiran nila, “Sumunod na lamang tayo sa agos, para huwag tayong madamay pa.” “Kung anong tugtog, eh di, yaon din ang sayaw!” Subalit sa lahat ng ito, binabalisa sila ng kanilang konsensiya kung bakit nagpatianod sila sa agos at naging kasapakat pa sa kasamaan ng iba.
   Laging dumaraing, naninisi, nagrereklamo at tumatakas para makaiwas. Bakit sinisisi ang gobierno gayong ipinagbili ang boto? Bakit nagrereklamo sa tambak na basura gayong walang habas na magtapon kahit saan? May nais na magawa ngunit ayaw makialam? Nais ng pagbabago ngunit hindi masimulan sa sarili mismo? Tulad ng inaasahan, tinanggap na lamang nila ang karaniwang kaaba-abang kalagayan sa halip na maipahayag ang tunay nilang nadarama. Bilang resulta, nagkaroon sila ng malulubhang karamdaman na may relasyon sa mga bagabag, mga kapaitan, at panggagalaiti na hindi nila makayang maibulalas.

Paala-ala: Kahit na sa trabaho, sa pakikipag-relasyon, o maging kapartner sa negosyo, madalas mabilis tayong humatol na kagatin ang ating dila kaysa tahasang ipahayag ang gumugulo sa ating isipan. Mabilis nating tinatakasan ang sitwasyon para hindi madamay. Kailangang tindigan natin ang ating tunay na pagkatao kaysa umayon sa hindi natin gusto. Kaysa manatiling nagtitiis, naghihintay sa magandang pagkakataon, huwag nating palipasin ang mga sandali na hindi naipapahayag ang ating pagmamahal, pagmamalasakit, at pagtulong sapagkat ito ay kinakailangan sa magandang pagtuturingan. Huwag tayong magkubli at katakutan na mapapahamak tayo. Kailangang matutuhan natin na maging gising sa ating mga emosyon at maipahayag ito nang naaayon para higit na makatulong sa maligayang pagsasama. 
Ano ba ang tama, kimkimin at ikubli ang nadarama, o ipahayag ito nang maibsan ang anumang lumiligalig sa isipan?

Mga pagunita ni JesGuevara
wagasmalaya.blogspot.com

No comments:

Post a Comment