Pabatid Tanaw

Sunday, February 28, 2016

Mga Sangkap ng Pagmamahal



Magagawa mo na ipikit ang iyong mga mata sa mga bagay na ayaw mong makita, subalit hindi mo magagawang bawalan ang iyong damdamin sa mga bagay na nagpapatibok sa iyong puso.

1. Makirot ang magmahal sa sinuman nang walang katumbas o katugon ito na pagmamahal. At higit namang mahapdi pa ang magmahal sa sinuman na walang kakayahang maiparating ang nadarama sa napupusuan. Nagkakasya na lamang sa patingin-tingin, mga nakaw na pagsulyap, mga panghihinayang, mga himutok at paninikis sa sarili.

2. Ang malungkot na bagay sa buhay ay kapag nakatagpo ka ng isang tao na napakahalaga sa iyo at pinag-ukulan mo siya ng ibayong pagmamahal, para lamang malaman sa bandang huli na hindi pala kayo nakaukol sa isa’t-isa at kailangang magpaubaya ka na para sa kanyang kaligayahan.

3. Ang matalik na kaibigan ay yaong uri na magagawa mong umupo sa kanyang tabi nang wala anumang alinlangan, magiliw, tahimik at walang kataga na namamagitan sa inyong dalawa, at masigla kang tatayo at aalis na tila isang masayang pag-uusap ang namayani sa inyo.

4. May katotohanan na hanggat hindi nawawala ang bagay na ito sa atin, hindi natin malalaman ang kahalagahan ng bagay na ito para sa atin, subalit totoo din na hindi natin malalaman kung ano ang nawawala sa atin hanggat hindi pa ito dumarating.

5. Anumang bagay na hindi mo minahal o iningatan man lamang, ikaw ay iiwanan. Hindi mo malalaman ang kahalagahan nito hanggat nakikita mo o na tabi mo lamang. Subalit kapag ito ay nawala na sa iyo, doon mo mapapatunayan kung gaano kasakit ang pagkawala nito.

6. Sandali lamang ang magkaroon ng crush o interes sa isang tao, isang oras para magustuhan siya, at isang araw para mahalin ito, subalit kailangan mo ng mahabang panahon at kung minsan ay buong buhay pa ang malimutan siya.

7. Huwag tumingin sa panlabas na kagandahan, ito ay mandaraya. Huwag umasa sa kayamanan, ito man ay nauubos din. Sumama doon sa nagpapangiti at nagpapasaya sa iyo, sapagkat ang ngiti at mga tawanan ay tanda ng maligayang pagsasama. Umiwas sa mga bagabag at mga kalituhan dahil narito ang mga kapighatian.

8. Mangarap anuman ang iyong nais na pangarap, pumunta sa pook na nais mong marating, at puspusang gawin kung sinuman ang nais mong maging ikaw. Sapagkat mayroon ka lamang isang buhay at isang pagkakataon lamang sa buhay na ito para magawa ang lahat ng nais mong mangyari sa buong buhay mo. Simulan na, at ang lahat ay madali na lamang.

9. Palaging ilagay mo ang iyong sarili na suot ang sapatos ng iba. Kung sakalimang ito ay masikip at nagpapasakit sa iyo, gayundin ang nadarama ng may suot nito.

10. Kung wala kang pagmamahal para sa iyong sarili, wala ka ring maibibigay na pagmamahal sa iba. Hindi mo maaaring ibigay ang bagay na wala sa iyo.

11. Ang walang ingat at padalus-dalos na kataga ay pinagmumulan ng sigalot at mga alitan. Ang malupit na salita ay nagwawasak ng buhay. Ang napapanahong pang-unawa at mga pagsuyo ay nakababawas ng pighati. Subalit ang magiliw at mapagmahal na salita ay nakalulunas sa anumang hilahil at mga kalituhan. Kapag ito ang namayani sa isang pagsasama, ang pagpapala ay patuloy na makakamtan.

12. Ang pagmamahal ay nagsisimula sa isang ngiti, nadaragdagan ng isang halik, sinusuyo ng isang haplos, at nagtatapos sa pagluha. Noong ipinanganak ka, ikaw ay umiiyak at lahat ng nakapaligid sa iyo ay nakangiti. Ipamuhay ang iyong buhay na kapag ikaw ay yumao na o lumisan na dito sa daigdig, ikaw ay nakangiti at ang lahat ng nakapaligid sa iyo ang siya namang umiiyak.

jesguevara
wagasmalaya.blogspot.com


Mailap na Kaligayahan

Sinuman ay nangangailangan ng bahay upang may matirhan, subalit ang matulunging pamilya ang siyang nagpapatibay ng tahanan.

Sa gulang kong ito, at sa buong buhay ko, ang lahat ng aking kalakasan ay nakatuon kung papaano ko mapagbubuti ang aking mga kaalaman at mga kakayahan. Bawat sandali ay mahalaga at nakapokus palagi sa pag-unlad ng aking sarili at mga pagkakataon sa aking paligid. Sa dahilang iniisip ko, para ako pahalagahan ng iba kailangang paghusayin at paunlarin ko ang aking sarili.
   Subalit sa maraming panahon na pagpupumilit na makilala ako, upang lingunin at bigyan ako ng atensiyon at pagpapahalaga, sa mga nagdaang paninikis at pagtitipid na makaipon pa, kung minsan ay pagpapabaya sa aking sarili na makagawa pa sa ikasisiya ng iba, naroon pa rin ang mga kakulangan, mga pagpuna, at mga kapintasan. Sadyang hindi mo mapapasaya nang tuluyan ang puso ng iba. Sapagkat mayroon din silang hinahanap na hindi matagpuan; ang mailap na kaligayahan.
   Napatunayan ko ang tudyò o panunuyâ: Hindi ko kailangan ang iba o magpunta pa sa malayo para lamang makuha ang nais ko. Ang mahusay at mabisang paraan lamang ay matutuhan kong tanggapin kung sino ako ay tindigan nang puspusan ang aking kinatatayuan. Ito lamang ang sekreto, para pumayapa nang lubusan ang aking mga bagabag at mga kalituhan.
Bakit po?
Sapagkat ngayon, sa mga sandaling ito... habang ako ay nakapukos sa sosyal media at pindot dito at pindot pa sa aking selpon o computer, ... kailangan ako ng aking pamilya, ng mga kaibigan na naghihintay, ng mga kasamahan na kailangang tulungan, at mga kaanak na may pangangailangan. Maraming bagay na mapaglalagyan ng aking makabuluhang sandali, kaysa nakapukos lamang ako sa aking sarili at sa panandaliang aliwan na walang kapupuntahan kung wala rin lamang na maitutulong ito para sa kapakanan ng aking mga mahal sa buhay.
Bakit nga ba hindi?
Marami akong pagmamahal at kailanma'y hindi ito mauubos, kung lagi lamang na naghahanap ako ng mababaw na kaligayahang ibibigay sa akin ng iba. Ang kailangan lamang ay harapin ko nang nakabukas ang aking isipan, na walang katapusan ang mga bagabag kapag naghahanap ako ng pagmamahal na hindi ko naman ibinibigay.
jesseguevara
wagasmalaya.blogspot.com

Saturday, February 13, 2016

Ang Wagas Kong Pag-ibig



Ang aking pag-ibig ay kusang bumubukal nang walang pagmamaliw. Tinatanggap ko ang iyong pagmamahal anumang bagay ito at patuloy kong iginagawad ang sa ganang akin. Hindi ito katulad ng pagmamahal ng isang lalake para sa isang babae, lalo namang hindi ng isang asawang lalake sa kanyang asawang babae, hindi rin ito kaparis ng pagmamahal ng isang ama sa kanyang anak, o kawangki ng pagmamahal ng Diyos sa kanyang mga nilikha.
   Wala itong kahalintulad na uri ng damdaming iniuukol sa aking itinatangi. Sa katunayan, wala itong pangalan o taguri man, at walang paliwanag na sasapat upang ito ay tahasang mailarawan. Mistula itong ilog mula sa walang hintong batis na hindi makayang maipaliwanang kung bakit may sinusunod itong tahasang pag-agos; kundi ang magpatuloy sa iisang direksiyon, ang maipahayag ang tanging layunin nito: ang magmahal nang walang pagmamaliw. Isang pag-ibig na walang hinihingi, hinihintay o inaasahan man lamang. At walang ibinibigay bilang kapalit; ito ay simpleng nasa aking kaibuturan at kusang bumubukal.
   Tayo ay malaya. Kailanman, hindi ako magiging iyo at ikaw, kailanma’y hindi magiging akin. Magkagayunman, iisa at walang sawa, ...at buong katapatan kong paulit-ulit na bibigkasin ito sa iyo: Iniibig kita.

Hindi Basta Nagkataon Lamang



Marami ang hindi nakakabatid kung bakit kinakailangang maganap ang isang sitwasyon, at kung bakit ang mga pagkakataon ay pinahihintulutan ang mga kundisyon na umiiral sa ating buhay. Kung minsan may mga tao na dumarating sa ating buhay, at madalas alam na natin kaagad na ito ay nakatakda para sa atin; upang maglingkod sa natatanging layunin, ang magturo ng leksiyon, o ang matulungan ka na makilala kung sino kang talaga, o magampanan ang nais mong maging ikaw.
   Bawat tao ay may kanya-kanyang katangian; mapabuti o mapasama man ito, nakakatulong o nakakasakit, nakakasiya o nakakalungkot, lahat ng mga ito ay nag-iiwan ng aral para sa atin. At kung walang leksiyon tayong matututuhan mula sa mga ito, mulit-muli tayong ibabalik sa mga sitwasyong ito para matuto. Mistula itong mga pagsubok para tayo ay patatagin at maging matibay sa mga susunod pang mga pakikibaka sa ating buhay.
   Hindi natin kilala ang mga tao na ipinapadala sa ating buhay (maaaring nakasabay sa sasakyan, kaeskwela, nakilala sa isang piging, isang kapitbahay, isang guro, isang katipan, o maging isang kumpletong estranghero) subalit nang magtama ang inyong mga paningin, batid mo na sa sandaling ito na may malalim na koneksiyong darating sa pagitan ninyo. Karaniwang nangyayari sa atin, na magaan at magiliw na kaagad ang iyong nadarama na tila matagal na kayong magkakilala, na may magandang kapalaran na makakamtan sa inyong pagsasama. Sa kabilang dako naman, may mga tao na makaharap mo lamang ay nakadarama ka na kaagad ng inis o iritasyon at madali mong tinatalikuran, na may mga pangitaing darating na magpapahamak sa iyo. Subalit matapos ang isang repleksiyon, napaglimi mo kung hindi mo malalagpasan ang mga ito, ...hindi mo mapapatunayan ang iyong totoong potensiyal, nakatagong kalakasan, tibay ng isipan at itinitibok ng iyong puso.
   Lahat ay nagaganap nang may kadahilanan. Walang nangyayari dahil nagkataon lamang, sinuwerte o minamalas. Maging sa lotto ng sapalaran, kung hindi ka tataya o bibili ng tiket, hindi ka mananalo. Tanungin lamang ang sarili, ikaw ba ay isang puslit? Isang bagay na bigla na lamang lumitaw sa mundo; na ang layunin kaya ka narito, ang kumain para mabuhay, o ang mabuhay para kumain?
   Hindi natin nililikha ang ating kapalaran; tayo ay sumasali sa kaganapan nito, naisin man natin o hindi sapagkat bahagi tayo ng patuloy na kalikasan nito.