Pabatid Tanaw

Saturday, February 13, 2016

Hindi Basta Nagkataon Lamang



Marami ang hindi nakakabatid kung bakit kinakailangang maganap ang isang sitwasyon, at kung bakit ang mga pagkakataon ay pinahihintulutan ang mga kundisyon na umiiral sa ating buhay. Kung minsan may mga tao na dumarating sa ating buhay, at madalas alam na natin kaagad na ito ay nakatakda para sa atin; upang maglingkod sa natatanging layunin, ang magturo ng leksiyon, o ang matulungan ka na makilala kung sino kang talaga, o magampanan ang nais mong maging ikaw.
   Bawat tao ay may kanya-kanyang katangian; mapabuti o mapasama man ito, nakakatulong o nakakasakit, nakakasiya o nakakalungkot, lahat ng mga ito ay nag-iiwan ng aral para sa atin. At kung walang leksiyon tayong matututuhan mula sa mga ito, mulit-muli tayong ibabalik sa mga sitwasyong ito para matuto. Mistula itong mga pagsubok para tayo ay patatagin at maging matibay sa mga susunod pang mga pakikibaka sa ating buhay.
   Hindi natin kilala ang mga tao na ipinapadala sa ating buhay (maaaring nakasabay sa sasakyan, kaeskwela, nakilala sa isang piging, isang kapitbahay, isang guro, isang katipan, o maging isang kumpletong estranghero) subalit nang magtama ang inyong mga paningin, batid mo na sa sandaling ito na may malalim na koneksiyong darating sa pagitan ninyo. Karaniwang nangyayari sa atin, na magaan at magiliw na kaagad ang iyong nadarama na tila matagal na kayong magkakilala, na may magandang kapalaran na makakamtan sa inyong pagsasama. Sa kabilang dako naman, may mga tao na makaharap mo lamang ay nakadarama ka na kaagad ng inis o iritasyon at madali mong tinatalikuran, na may mga pangitaing darating na magpapahamak sa iyo. Subalit matapos ang isang repleksiyon, napaglimi mo kung hindi mo malalagpasan ang mga ito, ...hindi mo mapapatunayan ang iyong totoong potensiyal, nakatagong kalakasan, tibay ng isipan at itinitibok ng iyong puso.
   Lahat ay nagaganap nang may kadahilanan. Walang nangyayari dahil nagkataon lamang, sinuwerte o minamalas. Maging sa lotto ng sapalaran, kung hindi ka tataya o bibili ng tiket, hindi ka mananalo. Tanungin lamang ang sarili, ikaw ba ay isang puslit? Isang bagay na bigla na lamang lumitaw sa mundo; na ang layunin kaya ka narito, ang kumain para mabuhay, o ang mabuhay para kumain?
   Hindi natin nililikha ang ating kapalaran; tayo ay sumasali sa kaganapan nito, naisin man natin o hindi sapagkat bahagi tayo ng patuloy na kalikasan nito.


No comments:

Post a Comment