Pabatid Tanaw

Sunday, February 28, 2016

Mailap na Kaligayahan

Sinuman ay nangangailangan ng bahay upang may matirhan, subalit ang matulunging pamilya ang siyang nagpapatibay ng tahanan.

Sa gulang kong ito, at sa buong buhay ko, ang lahat ng aking kalakasan ay nakatuon kung papaano ko mapagbubuti ang aking mga kaalaman at mga kakayahan. Bawat sandali ay mahalaga at nakapokus palagi sa pag-unlad ng aking sarili at mga pagkakataon sa aking paligid. Sa dahilang iniisip ko, para ako pahalagahan ng iba kailangang paghusayin at paunlarin ko ang aking sarili.
   Subalit sa maraming panahon na pagpupumilit na makilala ako, upang lingunin at bigyan ako ng atensiyon at pagpapahalaga, sa mga nagdaang paninikis at pagtitipid na makaipon pa, kung minsan ay pagpapabaya sa aking sarili na makagawa pa sa ikasisiya ng iba, naroon pa rin ang mga kakulangan, mga pagpuna, at mga kapintasan. Sadyang hindi mo mapapasaya nang tuluyan ang puso ng iba. Sapagkat mayroon din silang hinahanap na hindi matagpuan; ang mailap na kaligayahan.
   Napatunayan ko ang tudyò o panunuyâ: Hindi ko kailangan ang iba o magpunta pa sa malayo para lamang makuha ang nais ko. Ang mahusay at mabisang paraan lamang ay matutuhan kong tanggapin kung sino ako ay tindigan nang puspusan ang aking kinatatayuan. Ito lamang ang sekreto, para pumayapa nang lubusan ang aking mga bagabag at mga kalituhan.
Bakit po?
Sapagkat ngayon, sa mga sandaling ito... habang ako ay nakapukos sa sosyal media at pindot dito at pindot pa sa aking selpon o computer, ... kailangan ako ng aking pamilya, ng mga kaibigan na naghihintay, ng mga kasamahan na kailangang tulungan, at mga kaanak na may pangangailangan. Maraming bagay na mapaglalagyan ng aking makabuluhang sandali, kaysa nakapukos lamang ako sa aking sarili at sa panandaliang aliwan na walang kapupuntahan kung wala rin lamang na maitutulong ito para sa kapakanan ng aking mga mahal sa buhay.
Bakit nga ba hindi?
Marami akong pagmamahal at kailanma'y hindi ito mauubos, kung lagi lamang na naghahanap ako ng mababaw na kaligayahang ibibigay sa akin ng iba. Ang kailangan lamang ay harapin ko nang nakabukas ang aking isipan, na walang katapusan ang mga bagabag kapag naghahanap ako ng pagmamahal na hindi ko naman ibinibigay.
jesseguevara
wagasmalaya.blogspot.com

No comments:

Post a Comment