Pabatid Tanaw

Wednesday, July 08, 2015

Gawin Kaagad

Upang maging masigla at tahasang magawa ang mga lunggati, narito ang panulak para ito matupad!

   Nais mo bang malaman kung sino kang talaga?  Huwag nang tanungin pa, kumilos na! Ang aksiyong ito ang siyang magpapakilala at maghahayag kung sino ikaw. Nasa mga pagkilos nakikilala ang tunay na pagkatao, hindi sa mga palabok at idinuduyang mga pananalita.
  Ang mumunting mga gawa ay higit na mainam kaysa mga dakilang gawa na nasa plano pa.
   Madalas tayo ay nagkakasala sa ilang punto o sa minsang pagpapaliban para lalong maparalisa. Iniisip natin na kapag ginawa ito ay sadyang mahirap kapag nakaharap sa malaking desisyon. Bahagi ng mahusay na plano ang kahalagahan ng preparasyon at deliberasyon, ngunit ang reyalidad kapag sinimulan na, ito ay may malaking epekto para makakilos nang tuloy-tuloy at magsilbing malaking desisyon upang ganap na matapos ang gawain.
   Kung minsan ang reyalidad ay higit na mainam ang may nagawa kaysa piliting maging perpekto ang lahat at maparalisang tuluyan sa hangaring ito.
   Hindi mo kailangang maging dakila muna bago magsimula, subalit kinakailangan mong magsimula na para maging dakila ka.
   Kung may ideya ka o inspirasyon na laging nagsusumiksik sa iyong isipan, simulan na ang maagang pagkilos para ito matupad. Anumang kalagayan mo sa ngayon, kapag nagsimula ka na, lahat ng bagay sa sansinukob ay isa-isang darating sa iyo upang samahan at tulungan kang matupad sa hangarin mong ito. Mapapansin mo na lamang na kusang magsisilitaw ang nakatago mong mga potensiyal at natatanging mga kakayahan upang magampanan at tuparin ang tagumpay na naghihintay para sa iyo.

No comments:

Post a Comment