Pabatid Tanaw

Wednesday, July 08, 2015

Susi ng Tagumpay



Ang mga tao na patuloy na nagtatagumpay sa mundong ito ay yaong patuloy na nakatindig, matindi ang determinasyon at masiglang tinatanggap ang bawat pagkakamali bilang tuntungan upang makamit ang tagumpay. Sila ang nagpapasiya kung anong mga oportunidad ang kanilang susunggaban, sakalimang hindi nila ito matagpuan, mahusay nilang nililikha ito para sa kanilang mga kagalingan at kapakanan.

Naging patnubay ko na at personal na pamantayan na huwag hayaan ang iba na madaig ako sa paggawa. Hanggat sa maaabot ng aking makakaya, ay ibinubuhos ko ang lahat ng aking mga kakayahan upang mapahusay at maging maganda ang resulta ng aking trabaho. Inuuna kong purihin ang aking sarili kapag nagawa ko ito, at kung may masisiyahan at magpapahalaga para dito, ito’y bonus na lamang sa aking naitulong, at masigla kong pinasasalamatan.

Kahit na tumigil ang proyektong ginagawa mo, at naramdaman mong tila nanlulumo ang personal mong buhay, nabubugnot at nababagot ka sa kasalukuyan, o simpleng tinatamad ka, na magpatuloy pa. Kailangan lamang na balikan mo ang iyong ideya kung bakit nagsimula ka na gawin mo ito. Ang inspirasyon ay isang makapangyarihang motibasyon upang higit kang sumigla na magsikhay pa.

Ang aksiyon ang siyang pinaka-pundasyong susi sa lahat ng tagumpay. Walang tagumpay na nalikha kung walang aksiyong ginawa. Ang landas tungo sa tagumpay ay magsagawa ng maramihan at determinadong mga pagkilos.

No comments:

Post a Comment