Pabatid Tanaw

Tuesday, February 24, 2015

IKAW ay Tunay



Ikaw ang lahat ng tungkol sa iyo. Ang buhay mo ay sarili mong responsibilidad.
Ang lahat ng iyong kaganapan ay nasa dulo ng iyong mga kamay. Walang sinuman ang makakagawa o makakalikha ng iyong pagkatao kundi IKAW lamang. Sapagkat nagmumula ito sa kaibuturan ng iyong sarili, at walang makakasaling o makakakuha nito nang hindi mo papahintulutan.
   Maraming bagay ang sadyang nakaukol sa iyong buhay – walang hintong mga pagbabago, simula ng kapanganakan, patuloy na pagtanda, pasulpot-sulpot na karamdaman, mga aksidente, mga kalamidad, mga kapahamakan at samutsaring mga kamalian – ngunit... ang mga pangyayaring ito ay hindi mga kadahilanan upang patuloy kang mamighati at mawalan ng tiwala sa mga nagaganap sa iyong buhay. Bahagi ito ng buhay at kusa ding matatapos. Kung madilim ang langit at may unos, ito man ay matatapos din at ang araw ay muling sisilay. Anumang sitwasyon na nagpapahirap sa iyo, ito ay pinapalitan ng mga karanasan ang mga leksiyong nagdaan para ikaw ay tumibay at maging matatag sa mundong ito.
   Huwag makalimot na IKAW ay pambihira, kaisa-isa at walang katulad sa mundong ito. Anumang pighati o kasawian na tinataglay mo, ito ay mga negatibong kaisipan at mga emosyong patuloy na inaaliw mo, at ang resulta nito, ay tumitindi, humahapdi, at pinapalitan ang mga damdamin na nararapat mong tamasahin tulad ng kaligayahan, pasasalamat, kasiglahan, pagmamahal, at kapayapaan. 
   May kapangyarihan ka na piliin kung ano ang mabuti, masaya, matiwasay at magpapaunlad sa iyo. Kung hindi ito ang nangyayari sa buhay mo, may katiyakan, na palaging nasa negatibo, mga hinaing, mga dalamhati, ang lumalason sa iyong isipan. 
   Ikaw lamang ang makapagpapaligaya sa iyo. Wala ito sa labas, saanman at nagmumula kahit kaninuman. Tunay ka at hindi isang kopya ng sinuman. Ikaw lamang ang makagagawa ng malaking kaibahan sa tinatahak mong landas. At kung patuloy ka na nasa tamang direksiyon at hindi pinapansin ang mga negatibong bagay na lumalason sa iyong isipan, ang hinahangad mong transpormasyon para sa iyong kagalingan ay nagsimula na.

Ang panlabas na anyò ay nakakalugod sa mata. Subalit ang kagandahan mula sa kaibuturan ang nakakahulí sa puso.

No comments:

Post a Comment