Pabatid Tanaw

Tuesday, February 24, 2015

Higit Kang Ligtas kaysa Iyong mga Iniisip



Ang tagumpay ay walang itinuturò, ang kabiguan ang siyang nagtuturò.
Ang positibong paniniwala sa sarili ang siyang kalakasan na kailangan mo para matupad ang iyong mga pangarap, at ang paniniwalang ito ang siyang pinaka-ugat para likhain ang buhay na hinahangad mo. Kahit na ang iyong mga aksiyon ay hindi tama para sa iba, ngunit sinusunod mo ang matuwid na landas na para sa iyo, ito ang higit na makatwiran sa lahat. Ang balakid ay isang limitasyon lamang kung iniisip mo na ito ay isang hadlang at hindi makakayang lagpasan.
  Ang mga pagkatakot at mga pangamba tungkol sa mundo ay katulad lamang ng isang malagim na pelikula sa sinehan—sa iyong isipan; wala ito sa reyalidad at pawang mga pantasya lamang. Magandang halimbawa ang pagkain; pinipili natin ang bawat na isusubo kung makakabuhay at hindi makakamatay. Bakit hindi natin gawin din ito sa ating mga iniisip, dahil magagawa din natin na piliin ang ating mga iisipin: kung positibo, makabuluhan, at nakakatulong sa pag-unlad ng sarili, o kung negatibo at lumalason para lalong mabaon sa putikan at hindi na makaahon.
   Ang tunay nating pagkatao ay malakas, segurado, magiting at matibay. Lalaging ligtas ito hanggat hindi natin pinahihintulutan na maging biktima ng mga karahasan, kabutktutan, at walang hintong mga kasawian. Hindi ito magagawang pinsalain, wasakin, at patayin ng mga opinyon at haka-haka ng ibang tao o ng panlabas na mga kaganapan sa kapaligiran. May paninindigan at pagtitiwala tayo sa sarili. Kung wala ito sa atin, mistula tayong mga yagit at tuyot na patpat na patuloy na inaanod ng rumaragasang alon sa ilog para isalpok sa mga batuhan. Hindi tayo mga ipa (chaff) na basta na lamang tinatangay ng hangin para ibagsak kahit saan.
   Ang pagtanggap o kapahintulutan ay isang pag-aari (possession). Kapag sumang-ayon ka, inisip at nanalig ka sa isang pagkilala o pananagutan, ito ay kusang magiging katotohanan. Walang bagay na iyong inisip, ideneklara, at masidhing tinupad ang hindi posibleng maganap. Sapagkat napatunayan, na ang pangarap ay magiging reyalidad, kapag lahat ng iyong kabuhayan (resources), mga pagpupunyagi, lahat ng panahon ay sama-samang nakalinya at nakatuón sa parehong direksiyon.
   Hanggat ang puso ay nakatuon sa nagpapasaya sa iyo, lalaging matiwasay at ligtas ka sa mga alalahanin, ay mananatili kang maligaya sa tuwina.
Kailangang talunin mo ang iyong sarili, sapagkat ito ang iyong laging katunggalì sa buong buhay.


No comments:

Post a Comment