Pabatid Tanaw

Tuesday, February 24, 2015

Perpekto Ka Bilang IKAW



Pinagkalooban ka ng imahinasyon para magkaroon ng reyalidad at hindi pantasya.
Isa kang pambihira at natatangi bilang IKAW wala pang katulad mo ang lumitaw at lumakad sa buong mundo; noon, ngayon, at sa mga darating pa na mga panahon. IKAW ay perpekto bilang IKAW (Isang-isa, Katangi-tangi, Angkop, at Wagas), walang labis at walang kulang; sukat na sukat sa iyong buong pagkatao. Ikaw ay kaisa-isa bilang IKAW sa buong sansinukob – kaya nga wala kang karapatan na hatulan ang iyong sarili na walang kaalaman o kakayahan man lamang, walang maganda sa iyo o walang sapat na magagawang anuman. Kapag ganito ang pagturing mo sa iyong sarili, winawalang halaga mo kung bakit lumitaw ka pa sa mundo. Gayong ang pagkakalalang sa iyo ay upang gampanan ang kaluwalhatian ng iyong pagkakalitaw. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit nabubuhay ka pa hanggang sa ngayon.
   Nababalisa at binabagabag ka ng mga samutsaring mga alalahanin sapagkat hindi mo pinag-uukulan ng pansin kung sino kang talaga sa mundong ito. Hanggat patuloy kang nagpapabaya sa bagay na ito, kailanman ay hindi ka magiging maligaya.... hindi kataka-taka  na pati bangungot ay aliwin ka sa iyong pagtulog.
   Maaaring namali ka, o nadadapa ka sa tinatahak mong landas, subalit hindi ito ang batayan para kagalitan o mawalan ka ng pag-asa para sa iyong sarili. Alalahanin na dumarating sa iyong buhay ang mga bagay na ito para subukan at mailabas ang mga natatago mong katangian. Mga oportunidad ito na kusang ipinupukol sa iyo ng tadhana, para tumibay at maging matatag ang pagdadala mo sa iyong sarili.
   Likas kang mabuti, may natatanging kagandahan, sadyang matulungin, may naiibang kakayahan at kahanga-hanga. Dangan nga lamang, ang pambihirang mga katangiang ito ay nakatago at kailangang mailabas mula sa iyong kaibuturan. Ito ang iyong banal tungkulin para sa iyong sarili.

Kung minsan kapag ikaw ay nalilito at naligaw, natatagpuan mo ang iyong sarili.


No comments:

Post a Comment