Pabatid Tanaw

Tuesday, February 24, 2015

May Leksiyon ang mga Bagay



Kapag buhay ang nakatayà, huwag sumunod sa agos, bagkus sundin ang pusò.
Bawat bagay sa buhay ay may leksiyon na nakatakda mong matututhan. Ipinapadala sa iyo ang mga ito upang gisingin ang nakatago mong potensiyal na makilala nang lubusan ang iyong sarili. Narito ka sa mundong ito upang yumabong tungo sa pinakamatayog na kagananpan ng iyong sarili. Hindi mo malalampasan ang mga paghamon o pagsubok na dumarating sa iyong buhay nang wala kang matututuhang mga leksiyon sa buhay. Pagmasdan ang iyong mga karanasan bilang mga aralin na iyong kailangan para kusang lumabas ang tunay mong pagkatao.
   Ang mga bagay na nagaganap sa iyo ay mistulang mga baitang ng hagdanan na kailangan mong akyatin para marating ang tagumpay na hinahangad mo. Sakalimang hindi mo maipasà ang baitang na tinutuntungan mo, muli kang ibabalik sa dating baitang para akyating muli ang susunod na baitang. Marami ang mga nagtataka kung bakit hindi sila makaalis sa kinalalagyan nila. Sapagkat hindi nila batid na kailangan muna nilang maipasá ang kanilang kasalukuyang kalagayan (baitang).
   Maging mahinahon at mapagtimpi kapag naramdamang ang mga bagay ay tila hindi na tama at pinahihirapan ka, at sadyang wala nang pag-asa pang makaahon sa buhay. Tanggapin na hindi pa ito ang tamang panahon, at kailangan pa ang maraming pagsasanay at pagsusunog ng kilay para makatiyak sa katuparan ng iyong mga pangarap. Ito ay nasusulat: Nasa tao ang gawa, at nasa Dityos ang awa.
   Nasa iyo ang kapasiyahan sa bawat bagay ng nangyayari sa iyo, maaari mo itong tratuhin na kapinsalaan para huminto at mawalan na ng pag-asa, o ituring ito na isang oportunidad at bilang pagsubok sa iyong kakayahan para lalong maging matatag at lalong pasiglahin ang iyong hangarin na magtagumpay. Pumili ka: Panalo o Talunan. Kapighatian o Kaligayahan?

Ang kapasiyahan na hindi nilimì ay isang katawan na walang ulo.


No comments:

Post a Comment