Pabatid Tanaw

Tuesday, February 24, 2015

Bawat Araw ay Isang Pagpapalà


Ang tunay na pagkatao ay hindi balatkayo at walang bahid ng anumang pagkukunwari.

Huminto saglit at alalahanin ito
Tuwing umaga ay may isang bagong pahina sa istorya ng iyong buhay. Sa bawat sandali, ikaw ang tagalikha ng lahat na nagaganap sa iyo. Isiping mabuti kung ano ang iyong nais na mangyari sa maghapong ito. Mayroon kang 24 na oras bilang deposito. Galawin mo man o hindi ito, kusa itong matatapos sa hating-gabi. At bukas, (sakalimang magising ka, at dapat naman), mayroon ka na namang 24 na oras na magagamit para sa iyong kapakanan. Subalit ito ang tunay na naganap: Ang 24 na oras na nakaraan kahapon na inaksaya mo sa walang katuturan, ay isa ng bagabag na patuloy na ibabalik sa iyo, sapagkat hindi ito iniregalo sa iyo para sayangin mo lamang.
Bakit?
   Sa dahilang ikaw ay nilikha para makagawa ng kaibahan, at upang harapin ang katotohanang nakaukol sa iyo. Nilalang ka na pambihira at walang katulad sa buong mundo, tunay, orihinal at walang balatkayo, dahil mayroong nakatakdang mga kaganapan na kailangan mong likhain para ito matupad. At kung hindi mo ito gagawin, ang 24 na oras na sinayang mo, na iyong nakaligtaan o ipinagwalang bahala na pahalagahan ay nagiging ligalig at pangamba para lumabo ang iyong mga hakbang sa buhay. Bagay na hindi mo pinahalagahan ay patuloy na babalik para matutuhan. Batas ito na kailanman ay hindi mababalì. Ang leksiyon ay patuloy na babalik at mauulit, hanggat hindi mo nakikita ang sarili na siyang problema – at hindi ang iba, patuloy kang hindi magiging maligaya.
   Hanggat nabubuhay ka sa mga pagkukunwari at itinatago mo ang tunay mong katauhan, patuloy kang nakamaskara, nasa pantasya at pagba-balatkayo. Hanggat hindi mo binibigyan ng atensiyon ang tunay mong pagkatao, lalaging kang hunyago na ikinukubli ang mga bagay na totoo sa iyo. Hindi ka isang hunyago na laging nagtatago, umaayon at ginagaya kung ano ang kulay ng iyong kapaligiran. Wala kang katulad at may natatanging kakayahan para mabago ang iyong kalagayan, hindi ang maging kopya ng iba.
  Pagmasdan ang mga naghihirap sa buhay, gayong nais nila ng kasaganaan at pagbabago sa kanilang kalagayan sa buhay, subalit iba ang ginagawa sa maghapon, sa halip na pagpapaunlad ng buhay: Usisa, tsismisan, Eat Bulaga, mga artista, basketbol, huweteng at lotto ang kinahuhumalingan. Pagmasdan kung sino ang mahihilig sa mga walang saysay at mga walang kabuluhan, sila ay nananatili na mga tagasunod na lamang. Sila ay laging nasa mga pantasya at mga pagkukunwari, laging tumatakas sa katotohanan. Mga miyembro sila ng Iskwater, Inc. na laging magkakasama,... at walang iwanan.  Dahil dito, may mang-aapi at may nagpapaapi. May amo at may alilà. 

Kung wala talagang mga pagkilos, pakaasaha't laging busabos. At kapag kumikilos, pinagpapala ng Diyos.


No comments:

Post a Comment