Pabatid Tanaw

Sunday, November 23, 2014

Patnubay



1  Aking anak, huwag kalimutan ang aking itinuturo,
Subalit hayaan ang iyong puso na pangalagaan ang aking mga kautusan;
2 Dahil ang haba ng mga araw at mga taon ng buhay,
At ang kapayapaan nila’y idaragdag sa iyo.
3 Huwag pabayaan na ang kabutihan at katotohanan ay lisanin ka;
Italing paikot ang mga ito sa iyong leeg,
Isulat ang mga ito sa kaibuturan ng iyong puso,
4 At upang sa gayon ay makasumpong ka ng paglingap at mataas na pagpapahalaga
Sa paningin ng Panginoon at ng tao.
5 Magtiwala sa Panginoon nang iyong buong puso
At huwag manangan sa iyong sariling pang-unawa.
6 Sa lahat ng iyong mga kagawian ay pagindapatin Siya
At itutuwid Niya ang iyong landas.
                                                           -Mga Kawikaan 3: 1-6
 
   Ang pagpapatawad na walang katotohanan ay dadalhin ka sa makasalanang pakikisama, ang katotohanan na walang pagpapatawad ay dadalhin ka sa katwirang walang pakiramdam. Kapag isinulong natin ito nang pantay at magkasama, nagagawa natin na maging katanggap-tanggap ang ating mga sarili at nalulugod ang Panginoon.


Pahalagahan ang Bawat Sandali



Tuwing umaga sa ating paggising, mayroon na naman tayong 24 na oras para gugulin sa mga bagay na magpapasaya at magpapaunlad sa atin. Kawangis nito ay deposito na kailangang gamitin sa buong araw. Nasa ating kapasiyahan kung may halaga o walang saysay ang patutunguhan nito. Anuman ang ating gagawin sa araw na ito ay napakahalaga, sapagkat dito nakasalalay ang ating kinabukasan. Sa katapusan ng maghapon, kung papaano natin inaksaya o pinahalagahan ang 24 na oras na ito ay siya nating magiging kapalaran sa susunod pang mga araw at kinabukasan.

Hindi pa katapusan ng lahat, hanggat may hininga ay may pag-asa. Kailanman ito ay walang katapusan, sapagkat mulit-muli tayong ipinapanganak sa bawat araw, at ang buhay ay punong-puno ng mga bagong oportunidad at pakikipagsapalaran. Patuloy na ginigising ka upang pumili, magpasiya, at isagawa ang mga bagay na magpapaligaya sa iyo. Malaya kang gampanan ang anumang tungkuling nais mo upang matupad ang iyong mga pangarap.
   Ang kahapon ay lumipas na. Ang bukas ay hindi pa dumarating . Ang mayroon lamang tayo ay ang ngayon, ang tanging araw na ito. Bakit hindi tayo magsimulang muli? Ikaw, siya, sila, at ako sa isang bagong umaga. Isang simula. Kumilos na, ... at ang lahat ay magbabago.

Pagtanggap



Paligiran ang iyong sarili ng mga tao na kumikilala at nagpapahalaga sa iyo. Malaking bahagi ng bawat relasyon ang komunikasyon. Naisin mo man o hindi, may mga tao na ang uri ng personalidad ay hindi angkop at kawangis ng pagkatao mo. Isa kang pambihira at walang katulad sinuman sa buong mundo. Huwag sayangin ang mahalaga mong mga oras na pinipilit at sinusuyo sila na maunawaan ka. Sa halip, makiniig at makigrupo sa mga tao na umuunawa at tumatanggap sa iyo nang walang mga paghatol at kundisyong pinaiiral sa inyong relasyon. 

Sumama sa mga tao na nagpapasaya sa iyo, at tumutulong sa panahon ng iyong mga pangangailangan. Sila ang tunay na mga nagmamalasakit at nakahandang ipaglaban ka sa anumang pasakit at kapahamakan na mangyayari sa iyo. At doon naman sa iba, sila ay mga nakasabay at panandaliang nakasama mo lamang sa iyong paglalakbay sa buhay.
   Tanggapin sa iyong sarili na hindi ito nangangahulugan na wala ka nang pagkagiliw pa sa kanila. Pagpapatunay lamang ito na ang tanging tao na may higit kang kakayahan na pakibagayan at kontrolin ay ang iyong sarili lamang. Ang unang hakbang upang magkaunawaan ay tanggapin nang maluwag ang isa’t-isa, nasa pagtanggap lamang magkakaroon ng kalunasan upang maiwasan ang anumang sigalot.

Tunay na Pagmamahal



Ang simula ng pagmamahal ay hayaan ang ating mga minamahal na tahasang maging sila ayon sa kanilang kagustuhan at kaganapan, na kusang makilala nila ang kanilang mga sarili nang hindi natin pinapalipit (twist) sila upang umangkop (fit) sa ating sariling anyo (image). Dahil kung hindi ito magagawa, ang minamahal lamang natin ay ang repleksiyon ng ating mga sarili na kailangang nakikita natin sa kanila.

Laging tandaan na ang pinaka-makapangyarihang puwersa sa balat ng lupa ay pagmamahal na walang mga kundisyong pinaiiral. Nasa kundisyon o kalagayan na ito kung saan ang kaligayahan ng minamahal mo ay higit na mahalaga kaysa iyo. Hanggat may malalim na nagmamahal sa iyo lalong nagkukulay rosas ang iyong kapaligiran, samantalang kapag ibayong nagmamahal ka naman, lalo kang tumatapang at ipinaglalaban mo ang karapatang ito.

Tahasang Kailangan



Alamin kung bakit narito ka sa mundong ito at ano ang iyong hangarin sa buhay. Pagtuonan ng pansin ang iyong mga kalakasan, hindi ang iyong mga kahinaan. Magpakilala kung sino kang talaga at huwag hintayin ang pahintulot ng iba. At higit sa lahat, manatiling positibo, nasa tamang pagkilos, at mapagkumbaba ang isipan anuman ang sitwasyong kinahaharap mo. Bilangin ang iyong mga pagpapala, hindi ang iyong mga problema, at sadyang mapapatunayan mo kung gaano kaganda ang iyong buhay. 


Kung itinuturing mong matalik na kaibigan ang iyong sarili, hindi mo magagawang magpakahirap pa na makakuha ng atensiyon o pahintulot sa iba, sa mga relasyon, sa mga kakilala, at mga kaibigan mula sa mga maling pakikisama para matanggap lamang ng iba. Sapagkat napatunayan mo, na ang tanging pahintulot at katibayan na iyong kailangan ay mula sa iyo lamang.
   Palayain ang sarili sa mga pagkatakot, paghihintay, pagkagalit, pagnanasa, panghihinayang, paghihirap, at mga kakapusan. Pakawalan ang pagnanais na anyayahan at tanggapin ng iba. Itapon ang mahapding mga paghatol at maling mga opiniyon. Ilibing ang lahat ng ito at kalimutan nang ganap. May kapangyarihan kang pumili at piliin lamang ang tama. Ikaw ay malaya at anumang pangarap na nais mo ay makakaya mong makamit kung nanaisin mo lamang.