Pabatid Tanaw

Sunday, November 23, 2014

Tahasang Kailangan



Alamin kung bakit narito ka sa mundong ito at ano ang iyong hangarin sa buhay. Pagtuonan ng pansin ang iyong mga kalakasan, hindi ang iyong mga kahinaan. Magpakilala kung sino kang talaga at huwag hintayin ang pahintulot ng iba. At higit sa lahat, manatiling positibo, nasa tamang pagkilos, at mapagkumbaba ang isipan anuman ang sitwasyong kinahaharap mo. Bilangin ang iyong mga pagpapala, hindi ang iyong mga problema, at sadyang mapapatunayan mo kung gaano kaganda ang iyong buhay. 


Kung itinuturing mong matalik na kaibigan ang iyong sarili, hindi mo magagawang magpakahirap pa na makakuha ng atensiyon o pahintulot sa iba, sa mga relasyon, sa mga kakilala, at mga kaibigan mula sa mga maling pakikisama para matanggap lamang ng iba. Sapagkat napatunayan mo, na ang tanging pahintulot at katibayan na iyong kailangan ay mula sa iyo lamang.
   Palayain ang sarili sa mga pagkatakot, paghihintay, pagkagalit, pagnanasa, panghihinayang, paghihirap, at mga kakapusan. Pakawalan ang pagnanais na anyayahan at tanggapin ng iba. Itapon ang mahapding mga paghatol at maling mga opiniyon. Ilibing ang lahat ng ito at kalimutan nang ganap. May kapangyarihan kang pumili at piliin lamang ang tama. Ikaw ay malaya at anumang pangarap na nais mo ay makakaya mong makamit kung nanaisin mo lamang.

No comments:

Post a Comment