Pabatid Tanaw

Sunday, November 23, 2014

Pahalagahan ang Bawat Sandali



Tuwing umaga sa ating paggising, mayroon na naman tayong 24 na oras para gugulin sa mga bagay na magpapasaya at magpapaunlad sa atin. Kawangis nito ay deposito na kailangang gamitin sa buong araw. Nasa ating kapasiyahan kung may halaga o walang saysay ang patutunguhan nito. Anuman ang ating gagawin sa araw na ito ay napakahalaga, sapagkat dito nakasalalay ang ating kinabukasan. Sa katapusan ng maghapon, kung papaano natin inaksaya o pinahalagahan ang 24 na oras na ito ay siya nating magiging kapalaran sa susunod pang mga araw at kinabukasan.

Hindi pa katapusan ng lahat, hanggat may hininga ay may pag-asa. Kailanman ito ay walang katapusan, sapagkat mulit-muli tayong ipinapanganak sa bawat araw, at ang buhay ay punong-puno ng mga bagong oportunidad at pakikipagsapalaran. Patuloy na ginigising ka upang pumili, magpasiya, at isagawa ang mga bagay na magpapaligaya sa iyo. Malaya kang gampanan ang anumang tungkuling nais mo upang matupad ang iyong mga pangarap.
   Ang kahapon ay lumipas na. Ang bukas ay hindi pa dumarating . Ang mayroon lamang tayo ay ang ngayon, ang tanging araw na ito. Bakit hindi tayo magsimulang muli? Ikaw, siya, sila, at ako sa isang bagong umaga. Isang simula. Kumilos na, ... at ang lahat ay magbabago.

No comments:

Post a Comment