Pabatid Tanaw

Wednesday, March 12, 2014

Pumili na



Hindi ko naiisip ang miserableng kapangitan, dahil sa likod nito ay may kagandahang nagpupumilit na makilala.

May dalawa tayong kapangyarihan: Ang kapangyarihan na pumili at ang kapangyarihan na piliin ang tama. Hindi natin laging mapipili ang dumarating na mga pagkakataon, subalit magagawa naman nating piliin ang ating ilalapat na mga saloobin.
   Lahat ng umiinog sa ating buhay ay nakabatay sa ating mga pagpili ng tama at hindi sa pagpili ng mali: Anumang ating iniisip, ito ang ating bibigkasin, at tuluyan nating gagawin. Nararapat lamang na kilatisin natin at piliing mabuti ang ating mga iniisip, salain at piliin ang ating mga salita at matalinong pag-aralan at piliin ang gagawing mga kapasiyahan.
   Huwag sayangin anumang mayroon ka sa paghahangad ng mga bagay na wala sa iyo; tandaan na anumang bagay na mayroon ka ngayon ay minsang inasam at pinili mo ang mga ito. Ang una nating tungkulin ay isipin natin ang ating sarili, at pakapiliin ang makapagbibigay ng kabutihan, kapayapaan, kaunlaran at kaligayahan para dito.
   Sa pagtahak sa buhay, nakapagitan ka sa Oo at Hindi, sa Tama at Mali, sa Kaligayahan at Kapighatian: narito ang pagpili sa buong buhay mo. Aliman dito ang piliin mo, ito ang iyong magiging kapalaran. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng landas na iyong pinili at sa daan na iyong tinalikdan; ito ang gitling sa pagitan ng kung ano ang iniisip mo na mangyayari sa iyo at kung sino kang talaga; ito ang mga kasinungalingaan na pinipilit mong sundin mula sa iba at inuusal mo sa iyong sarili sa tuwing nalilito ka. Alin nga ba dito ang tunay na pinipili mo, ang balatkayo ba o ang totoo na kalikasan mo?
Ang aking panuntunan: Sa mundo na puno ng mga pagkasuklam; pipiliin ko ang pagmamahal; sa mundo na puno ng mga labanan, pipiliin ko ang pagsasamahan; sa mundo na puno ng mga karaingan, pipiliin ko ang pag-asa; sa mundo na puno ng mga pagkagalit, pipiliin ko ang kapayapaan; sa mundo na mga nanggigipuspos; pipiliin ko ang mangarap; sa mundo ng mga kainisan, pipiliin ko ang pagtitimpi; sa mundo ng walang mga pagtitiwala, pipiliin ko ang katapatan; at sa mundo ng mga sawimpalad, pipiliin ko na makapaglingkod.
   Ang sadyang mahalaga ay mabuhay sa kasalukuyan, piliing mabuhay na ngayon, hindi sa kahapon at hindi rin para bukas, sa bawa’t sandali na, Ngayon. Ang iyong mga kaisipan at mga pagkilos sa mga sandaling ito ang lumilikha ng iyong hinaharap. Ang palatandaan sa landas ng iyong hinaharap ay nakahanda na, sapagkat nilikha mo na ang patnubay para dito sa iyong nakaraan.
   Mapipili natin ang katotohanan na ang Kahapon ay isang nagdaang panag-inip. Ang Bukas ay isa lamang pagtanaw. Subalit ang Ngayon kung ipapamuhay natin nang maayos at makabuluhan, ang Kahapon ay isang pangarap ng kaligayahan, at bawa’t Kinabukasan ay pananaw ng pag-asa.

No comments:

Post a Comment