Pabatid Tanaw

Wednesday, March 12, 2014

Magpahalaga



Upang matamasa ang tunay na kahalagahan ng kaligayahan, kailangan mo ng kaulayaw para maibahagi ito sa kanya.


Ang paraan para magkakilala ng lubusan ang bawa’t isa sa atin ay sa pamamagitan ng respeto: katapatan, pagdakila, at pagpapahalaga. Ang mga pananalita na walang ginagawa ay siyang pinakamahabang distanya na mapanganib at nawawalan ng direksiyon.
   Sa mundong ito, ang Pagpapahalaga ay mahalagang bahagi ng Pag-ibig, hindi mo ito tahasang maipapahayag ng hindi kalakip ang katapatan ng pagdakila sa isang tao. Kung ikaw ay positibo at nagagawang makipagrelasyon na bukas ang isipan sa iba, makakaakit ka ng maraming kaibigan sa iyong buhay. Katunayan lamang ito na may pagpapahalaga ka sa iyong sarili at gayundin sa iba.
   Narito ang isang paghamon: Lumabas ka sa araw na ito at gumawa ng positibong tanim sa kalooban ng isang tao, na sa iyong palagay ay may masaganang kalooban para umusbong ang kabutihan. Makinig. Maging matapat. Umuunawa. Magiliw ang mga ngiti. Mabiyayang pumupuri at nagbibigay ng pag-asa. Kung magagawa mo ang pagpapahalagang ito at naibabahagi sa iba, ikaw ang unang makikinabang. Sapagkat ang komunikasyon na kalakip ang pagpapahalaga ay may kapangyarihan na makagawa ng malaking kaibahan at nakapagbabago sa buhay ng iba.
   Bilang bahagi para mabuo ang ating pagkatao, kailangan nating gamitin ang ating abilidad na alamin, ikatuwiran, at ipahayag ang tungkol sa kahalagahan ng pagiging uliran, ang piliin ang tama at magwagi kaysa ang piliin ang mali at mabigo. Anumang bagay na sinimulang mali, kailanman ay hindi magbubunga ng mabuti. Dahil dito, nararapat lamang na matalos ang kahalagahan ng edukasyon, mga pagsasanay, at matuto para sa ating kaunlaran.
   Alam mo ba? …na ang kahalagahan ng araw ngayon, mula sa iyong pagkagising ay may espesyal na handog para sa iyo para mabuhay na muli---na malaya kang huminga, mag-isip, magpakasaya, magmahal, magmalasakit, at umibig. Pahalagahan  mo lamang ang mga kalayaang ito, at sa buong buhay mo hindi ka na magmamaktol pa.
   Ang Pag-ibig ay binubuo ng tatlong walang kundisyong mga sangkap sa magkatulad na panukat: 1) Pagtanggap 2) Pang-unawa 3) at Pagpapahalaga   
Kapag naglaho ang isa man dito—tanda na ito ng hindi pagkakaunawaan at alitan.
   Kalimutan ang kahapon—lumipas na ito at nalimutan ka na. Huwag nang pagpawisan pa ang darating na mga bukas—hindi pa naman kayo nagkikita. Sa halip, buksan mo ang iyong mga mata at pahalagahan na ang araw na ito. Ngayon na! sapagkat kaya ka ginising kanginang umaga ay upang pahalagahan at tamasahin mo ang kagandahan ng buhay. Ngayon na!

No comments:

Post a Comment