Pabatid Tanaw

Wednesday, March 12, 2014

Huminahon at umasam



Ang tadhana ay walang obligasyon na ibigay sa iyo 
ang inaasahan mo.

Kung may nais kakumilos ka.  Kung binabasa mo ito, salamat at buhay ka pa, dahil may pag-asa pang nananatili sa iyo kaya ka nagbabasa nito. Ang totoo, tatlong bagay lamang ang kailangan mo sa paglalakbay na ito ng buhay: mayroon kang iniibig; mayroon kang ginagawa, at mayroon kang inaasam. Ang mga ito lamang at wala ng iba pa.
   Kung papansinin lamang nang maigi; ang mga ibinabalita sa mga pahayagan, sa telebisyon at maging sa radyo, nangingibabaw ang mga negatibong pahayag; pawang mga kabuktutan, mga karahasan, mga kalupitan, at mga kalagiman. Bihira ang mga positibong gawa at bayanihan ng mga tao para sa kanilang kabutihan at kapakanan. Subalit sa ganang akin, patuloy pa rin akong umaasam na sa likod ng mga kapighatiang ito, mayroon pa ring mga busilak ang puso na gumagawa ng malaking kaibahan sa ating lipunan.
   Himig nga ni John Lennon sa kanyang awitin na ‘Imagine“You may say I'm a dreamer, but I'm not the only one. I hope someday you'll join us. And the world will live as one.”
   Ang pag-asam ay positibong pag-asa na nagbibigay sa iyo ng kabatiran na kahit na ikaw ay nahaharap sa mabigat na pagsubok, ay may kakayahan kang lunasan ito at mapagtagumpayan. Ang mainam na magagawa mo sa iyong buhay ay masinsinang limiin kung ano ang inaasam mo. At ang pinakamahalagang pagkilos para dito ay alamin mo iyong mga naisin na isinisigaw ng iyong puso. Hindi ang maging bingi sa munting tinig na bumubulong sa iyo, at hindi upang sikilin at tuluyang ibilanggo ito, kundi ang alpasan at isagawa nang puspusan ang ninanais nitong maganap sa iyo.
   Alam mo ba? …na ang ginagawa mong mga bagay para sa iyong sarili ay maglalaho kapag ikaw ay lumisan na sa mundong ito, pati nga totpik hindi madadala. Subalit ito ang pakatandaan mo, lahat ng mga bagay na ginagawa mo para sa iba ay mananatili bilang pagkilala at iyong pamana.
   Huwag umasa at maghintay, bagkus ay umasam. Pagpalain siya na walang anumang inaasahan, dahil kailanman hindi siya masisiphayo. Napansin mo rin ba? … na sa madidilim na kalangitan doon mo makikita ang pinaka-maliliwanag at maririkit na mga bituin. Ang daan na itinayo at pinagtibay ng pag-asam ay higit na kalugod-lugod sa isang manlalakbay kaysa landas na binuo ng mga panaghoy at mga karaingan, kahit na parehong daan at patungo sa iisang destinasyon.
   Kahit na anumang balakid at paghihirap ang masumpungan, gaano man ang kapighatiang nararanasan, kung mawawala ang ating pag-asa, ang ating mga inaasam, ito ang tunay na kawakasan nating lahat. At lalo namang nakakabagabag, kapag natutuhan na ang kawalan ng kakanyahan, o sa madaling salita, naperpekto na ang katamaran at basta makaraos.
   Umaasam pa rin AKO “Yesterday is history, tomorrow is a mystery, today is a gift, which is why we call it the present.”

No comments:

Post a Comment