Pabatid Tanaw

Wednesday, March 12, 2014

Magpatawad



Ang pagpapatawad ay pinalalakas ang pananalig at 
pagtitiwala mo sa iyong sarili.

Hindi nakakamatay ang tuklaw ng ahas, kundi ang kamandag nito na unti-unting lumalason sa iyo. Ganito din ang matinding pagkagalit o pagkasuklam, hangga’t pinaiiral mo ito sa iyong kamalayan, lalo mong sinisilaban ang poot na naghahari sa iyo. At sa kalaunan ito ang magpapahamak sa iyo na labis mong pagsisisihan nang walang katapusan.
   Subukang magpatawad sa pamamagitan ng pang-unawa; at ito ay iyong mararamdaman kung ikaw ang nasa kalagayan ng iyong kinagagalitan. Sinumang nakapanakit sa iyo—tanungin sila  “Ano ba ang nagpapasakit sa iyo at ibayong nagagalit ka?” Pakinggan ang kasagutan at subukang unawain kung ano ang nasa likod ng lahat at siyang tamang katuwiran. Maaaring nagnanasa silang makuha ang iyong atensiyon na mapakinggan sila, subalit walang nag-iisip para sa kanila bilang mga umaatake at nasa tamang katuwiran, kundi mga nagtatanggol at inaapi. Marapat lamang na huwag hatulan ang kanilang mga inaasal, kundi bigyan sila ng kalayaan na maipaliwanag ang kanilang mga karaingan. Maaaring pareho kayo na lalong matuto mula sa paraang ito, bilang pang-unawa at katapangan na hilingin sa kanila ang katotohanan. Sakalimang wala pa ring ipinagbago mula dito, pawalan at hayaan na ito. Palayain mo ang iyong sarili, at hayaan ang panahon ang siyang magpasiya. Tandaan na pareho kayong may karapatan kung sinuman ang piliin ninyo na may katuwiran. Kapag tayo ay humahatol, hindi natin maiiwasang magpasiya kahit na limitado ang ating kaisipan at walang katiyakan sa resulta nito. Higit na mabuti ang umunawa muna nang maunawaan ka, o simpleng magpatawad at hayaan na itong kusang palipasin ng panahon.
   Bawa’t tao ay may kakayahang makasugat o makapanakit sa damdamin ng kanyang kapwa, ngunit mayroon din siyang kakayahan na magpatawad at pakawalan na ang hapdi nito. Ang tao na may pagkasuklam at arogante ay may isang libong kadahilanan na huwag magpatawad o makadama ng simpatiya para sa iba. Subalit ang tao na mapagkumbaba at may pagmamalasakit ay walang katuwiran kundi ang magpatawad doon sa mga nagkasala sa kanya. Ito ang kalikasan ng mapagmahal na tao; ang saksihan at madama ang kaligayahan at maging ang kapighatian ng iba na katulad din ng nararanasan niya.
  Bakit mo hahayaang mangibabaw ang poot sa iyong kalooban, para lalo kang masaktan? Pawalan ang katotohanan, pawalan ang bumabalisa sa iyo… Para makawala sa kapighatian, burahin ang pagkasuklam …at magpatawad

No comments:

Post a Comment