Pabatid Tanaw

Wednesday, March 12, 2014

Magdasal sa Tuwina



Kung ang dasal na alam mo ay magpasalamat, ito ay sapat na.

Ang dasal ay pasasalamat, hindi isang paraan upang manghingi ng kung anu-anong mga bagay. Ang dasal ay pag-aalay ng iyong sarili sa mga ‘kamay’ ng Maykapal, na siya ang makapangyayari, at pakinggan ang kanyang tinig sa kalaliman ng ating puso. Ito ang paghahanap at pagtangis ng kaluluwa, bilang pagtanggap sa ating mga kahinaan. Higit na mabuti sa pagdarasal ang magkaroon ng puso na walang mga kataga, kaysa mga katagang memoryado at paulit-ulit na wala namang puso.
     Hindi ka nagdarasal para gumaan ang iyong buhay, kundi ang magkaroon ng malakas at matibay na balikat upang makayang pasanin ang mga pasakit na ipinupukol sa iyo ng tadhana. Naisin man o hindi, ang mga paghamon at pagsubok ay bahagi ng buhay. Kalakip din ng mga ito ang ating mga pagkakamali at mga kabiguan, dahil sa ating mga kahinaan at karupukan. Ang dasal ang siya lamang makakatighaw ng ating pagkauhaw para lunasan ang nadaramang mga kapighatian.
   May mga tao na nagdarasal upang mailayo sila sa mga panganib, sa mga kabiguan, sa mga kabuktutan, sa mga pagsasamantala, at mga kaligalin ng mundo. Samantalang AKO ay nagdarasal para magkaroon ng kakayahang harapin, labanan, lagpasan, lunasan, at mapagtagumpayan ang mga ito. AKO ay laging nakahanda sapagkat mayroong pumapatnubay at nagpapala sa akin.
   Alam mo ba? …na ang dasal ay paghiling sa Maykapal na patnubayan at pagpalain ka para sa iyong kaluwalhatian, hindi ang impluwensiyahan at utusan ang Maykapal, bagkus ang baguhin ang kalikasan ng sinuman na nagdarasal. Hangga't nagdarasal ka, nababawasan ang iyong mga kalituhan at mga kaligaligan. Hangga’t nag-uukol ka ng panalangin para sa kabutihan at kapakanan sa iyong sarili at maging sa iba, hindi ka matatakot o mangangamba. Patuloy na madarama na maging mahinahon, magiliw, may pagmamalasakit at malayang umiibig.
Ang Simpleng Landas: Ang Katahimikan ay Pagdarasal. Ang Pagdarasal ay Pananampalataya. Ang Pananalig ay Pag-ibig. Ang Pagmamahal ay Paglilingkod. Ang Pagtulong ay Pagdamay. At ang bunga ng Pagmamalasakit ay Kapayapaan. At ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng ito ay ang Pasasalamat.
   Ang Kasaysayan: Patawarin ako sa aking kawalan ng saysay at pinatatawad ko din ang mga tao na walang saysay, lalo na yaong madalas na nagsasalita ng mga pananalita na wala namang saysay. Sapagkat AKO ang apoy na pinakawalan ng Maykapal.

No comments:

Post a Comment