Pabatid Tanaw

Wednesday, March 12, 2014

Humaplos ng Pagmamahal



Huwag iwanan ang tao na humaplos sa iyong kaluluwa 
nang higit pa sa iyong katawan.

Kung ang bawa’t isa sa atin ay mauunawaan at kikilalanin na lahat tayo ay dumaraan sa maraming pagsubok na batbat ng mga kapighatian, mga pagkakamali at mga kabiguan, bunga ng ating mga kahinaan, na nababalot ng mga panghihinayang at pagsisisi, madarama natin ang pinapasan nating mga kalbaryo sa buhay na ito. Kung may damdamin tayong tulad nito, ay magagawa nating magpahalaga at maging makatao.
   Kung minsan, kailangan nating makibalita, makiramay, makiisa at makipag-daupangpalad upang simulan ang isang magandang paglalakbay. Bilang tao, nangangailangan tayo ng haplos at pagdama para sumigla at magpatuloy na nakikibaka sa buhay. Marami ang hindi nakakaalam na ang haplos at paghawak sa kamay ng iba ay mistulang panlunas sa kanilang mga dinaramdam. Higit pang mainam kung nagagawang mong sisirin ang kanyang kalooban at haplusin ito ng pagmamahal.
   Kapag ang ating mga mata ay napagmamasdan ang ating mga kamay na ginagawa ang mga paghibik ng ating puso, ang sirkulo ng paglikha ay nakumpleto na sa kaibuturan natin, ang pintuan ng ating kaluluwa ay pumapailanlang, ... at ang Pag-ibig ay kusang nakakamit, para lunasan ang kapanglawan at anumang pait.
   Huwag nating kalimutan na mayakap ang mga mahal natin sa buhay. Sapagkat kapag nahaplos at nayakap mo ang kanilang katawan, nahaplos mo ang kanilang buong pagkatao, ang katalinuhan, ang mga emosiyon, ang mga pangamba, at maging ang ispirito. Gawin na ito: Kamayan, akbayan at tapikin sa balikat ang ating mga kaibigan. Ipadama na sila ay hindi nag-iisa. Narito tayo para dumamay at makiisa sa kanila. Bawa’t isa ay may puso. Humanap ng paraan na madama at haplusin ito.
   Alam mo ba? …na ang isang mahalagang kabatiran na kailangan nating yakapin sa pangkalahatan ay kilalanin sa ating mga sarili na tayo ay sadyang mabuti at may kakayahan na makagawa ng kaibahan, pagdamay, pagmamahal, at maligayang buhay.
   Damahin na ang bawa’t isa sa atin ay naiiba, pambihira, at may kahalagahan.

   Binanggit nga sa akin ng kaibigan ko na si Jessyka Pollock, “Let us not forget in this age of e-mails and voice mails, of cell phones and text messages, of blogging and instant messaging, of twitter-facebook-googling, and pinterest-instagram, that the human touch has the power and potential to change someone’s LIFE.”

No comments:

Post a Comment