Pabatid Tanaw

Wednesday, March 12, 2014

Ugaliin na Magbasa



Ang mga aklat ay pambihira at sadyang mahiwaga.

Ang tao na palabasa ay nabubuhay ng maraming libong buhay bago siya yumao. Ang tao na kailanman ay hindi nagbabasa ay nabubuhay lamang nang minsan. Kung ang tao ay hindi palabasa para malaman ang mga hiwaga ng buhay, ang kagandahan ng daigdig, ang kalaliman ng mga pilosopya, ang pagkakaiba ng mga tradisyon o kultura ng mga lipunan, at ang mabilis na mga pagbabago sa ating kapaligiran—mistula siyang yagit na dadalhin ng rumaragasang tubig para isalpok sa matutulis na bato na nagkalat sa magkabilang pampang. Sapagkat kung magastos ang edukasyon, higit na magastos ang kamangmangan.
   Tatlo ang uri ng tao pagdating sa kanilang pagkakakilanlan: 1) ang isa na natututo sa pagbabasa 2) ang iilan na natututo sa pag-oobserba, sa bakit nga ba? 3) at ang karamihan ay nakatulala, patingin-tingin at naghihintay na mautusan. At dito sa huli, ito ang batayan na kapag naghihirap ang isang bansa, ang maging utusan ang nakakahiligan ng nakakarami. Ito ang dahilan kung bakit dumarami ang naghihirap at iilan lamang ang yumayaman.
   Narito ang kawastuan: ang tao na kumakain o humihiga na katabi ang asawa o naghahanda na matulog nang may pagkukumbaba, pasasalamat, at pagtitimpi, sa pamantayang Kristiyano, ay tahasang nasa mataas na antas ng pagkatao, kaysa sa isa na nakikinig sa klasikong musika at nagbabasa ng mga dogma, mahigpit na mga kautusan, at samut-saring mga kundisyon ng sekta nang may mataas na pagmamalaki.
   Lahat ng aklat ay isinulat na mahiwaga, nasa bumabasa ito kung ano ang koneksiyon at kaganapang matutuklasan niya sa kanyang sarili. Anumang bagay na naroon sa kanya na laging niyang mabigat na pinapasan sa buong buhay niya ay ito ang mag-uugnay at magiging koneksiyon niya sa aklat na binabasa. Sapagkat maihahambing ito sa isang kahel, kapag piniga mo ito, natural lamang na lumabas mula dito ang katas ng kahel. Gayundin sa tao, kapag nahaharap ito sa biglaang pagkagulat, matinding pagkagalit, at magiliw na pakikiharap, natural din ang isinusukli nito na mga kagawian at mga inaasal. 
   Alam mo ba? Magbiro ka na sa lasing, huwag lamang sa bagong gising. Huwag pansinin ang may mainiting-ulo, kung ayaw mong mauwi ito sa basag-ulo. Ang mahinahong pakiusap, pinalalambot ang pusong makunat.
   Totoo ito: Kung wala kang panahon na magbasa, wala ka ring panahon na magsulat pa, dahil hindi mo makakayang isulat ang hindi mo nabasa. At kung wala namang laman ang ulo, patunay lamang ito na ang laman ng bumbunan ay sero!
   Mag-isip muna bago bumigkas, at magbasa muna bago magsulat. Lagi tayong magbasa, sumulat, umawit, sumayaw, at tumawa, lahat ng ito ay upang magkulay rosas ang ating mga kapaligiran at lubos na lumigaya sa maikling buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal.

No comments:

Post a Comment