Pabatid Tanaw

Sunday, February 09, 2014

Mahalin ang Sarili



Kapag may marubdob na nagmamahal sa iyo, lumalakas at tumatatag ka. At kung ikaw naman ay may marubdob na minamahal, nagtitiwala at tumatapang ka.

Buwan ng Pag-ibig ngayon. At tulad ng dati, nagsalimbayan na naman ang mga kulay pula at rosas na mga puso, bilang paggunita sa nalalapit na pagdiriwang na Araw ng mga Puso, bagama’t kadalasan ay hindi ganap na nauunawaan ang tunay na kahulugan nito at lubos na nakakaligtaan.
   Hindi lamang para sa isang araw sa puso ng mga mapagmahal at mga romantiko, ang Araw ng mga Puso, o  Valentine’s Day, ito ang pakiramdam nang may minamahal at nagmamahal--at nararapat na palawakin at bubuin, upang maging wagas at dalisay. Nasa kawagasan at kadalisayan lamang masusumpungan ang tunay at walang hanggang pagmamahal. At ito ay magsisimula kapag may natatangi kang pag-ibig sa iyong sarili. Sapagkat hindi mo magagawang magmahal kung wala kang pagmamahal sa iyong sarili. Hindi mo maaaring ibigay ang bagay na wala sa iyo.
   Tahasan at lubos na mahalin ang iyong sarili. Paniwalaan ang iyong sarili, manalig at sadyang pagtiwalaan mo ito. Ikaw lamang at wala ng iba pa ang makakagawa nito para sa iyong sariling kapakanan. Ang paglalakbay mo sa buhay ay isinusulong ng mga lunggati na iyong patnubay patungo sa kaganapan ng iyong mga pangarap.
   Kaibiganin mo ang iyong sarili. Maging pambihira at natatangi sa maraming bagay at mga kaparaanan. Tanggapin nang masigla ang iyong itsura, katawan at kabubuan; dahil ito ang behikulong inilaan sa iyo para tuklasin ang iyong tunay na layunin sa buhay. Bawa’t tao ay may kanya-kanyang pakete na kailangang maipahayag. Alamin ang para sa iyo. At kung maaari, huwag pasulsol o maging kopya ng iba.
   Maging matalino, mapanlikha, at nagagawang ilabas ang lahat ng potensiyal para mapahusay ang sariling mga katangian at mga kakayahan. At laging handa sa anumang larangan na kung saan ay buong kahusayan magagampanan.
   Isang likas na responsibilidad ang tuparin ang iyong tunay na pagkatao kung sino kang talaga, kilalanin at magiliw na tanggapin ang iyong mga kahinaan at kalakasan, mga pagkakamali at mga kabiguan., maging ang mga papuri at mga tagumpay. Yakaping mahigpit ang iyong piniling buhay at masikhay na taluntunin ang tamang landas nito.
   Maging bata at aktibo sa tuwina. Pag-aralan purihin ang sarili at dakilain ito. Pakaibigin at pagmalasakitaan sa lahat ng sandali. Maging komportable at masigla kung sino ka man kahit kaninuman, saanman, at kailanman.
   Maging totoo sa iyong sarili, uliran, at matiwasay na ipamuhay nang ganap ang uri at antas ng pagkatao na nais mong gampanan sa buhay na ito. Lahat ng mga ito ay mangyayari lamang kung talagang minamahal mo ang iyong sarili.

No comments:

Post a Comment