Pabatid Tanaw

Wednesday, February 12, 2014

Bungisngis #091



Pinakamasaklap na Araw
Sa umagang ito, nagpupuyos na naman sa galit si Fidel, "Talagang napakahirap ispelengin ang mga babae! Kailanman talagang hindi natin lubos na maiintindihan sila!" ang nanlulumong himutok nito sa kaibigan, "maraming taon na kaming magkasama ng asawa ko, hanggang ngayon, hindi ko pa rin siya maintindihan kung ano ang talagang nais niya. Palagi akong tumutulay sa alambre, ang bawa't katuwiran ko ay palpak at walang bisa para mapag-usapan pa."
   "Mabuti pa Fidel, mahalin mo na lamang siya nang walang kahatulan," ang mungkahi ng kaibigan.
   "Papaano?" ang balisang tanong ni Fidel.
   "Ipakita mo. Gawin mo. Gumalang at magpahalaga ka. Suyuin mo siya." ang pahayag ng kaibigan.
   At ito nga ang ginawa ni Fidel, ang tahasang gumalang at magpahalaga sa asawa. Matapos ang trabaho sa opisina, madali siyang nagtungo sa isang shopping mall at bumili ng isang dosenang pulang rosas, isang kahon ng mamahaling tsokolate, at isang pares ng gintong hikaw. Inaasam-asam niya ang kasiyahang madarama ng asawa sa mga regalo na ibibigay niya pagdating sa bahay. Pagpapatunay ang mga ito; kung gaano katayog na pagpapahalaga at katindi ng pagmamahal niya sa asawa.
   Tumayo si Fidel sa harapan ng pintuan na hawak ng kanang kamay ang bungkos ng mga pulang rosas, ang madekorasyon na balutan ng kending tsokolate ay nakaipit naman sa kili-kili, at ang nakabukas na kahita na nakalitaw ang pares na gintong hikaw ay hawak ng kanyang kaliwang kamay, na nakalahad at tila nagsusumamo. Sa pamamagitan ng kaliwang siko, ay diniinan niya ang door bell. Madaling lumapit sa pintuan si Misis at binuksan ito. Tumitig ito sa kanya, napamaang sa nasaksihan at biglang bumunghalit ng iyak, hanggang sa mapayuko at dahan-dahang sumalampak sa lapag at tuluyang humagulgol na.
   "Teka muna, giliw ko, m-may p-roblema ba, m-may mali ba akong nagawa?" ang nagtatakang urirat ni Fidel.
   "Ito na ang pinakamasaklap na araw sa tanang buhay ko," ang hinagpis ng asawa. "Kaninang umaga, si Jun-jun ay nag-flush ng kanyang diaper sa kubeta. 'Yong pangalawang anak natin, si Bernie, tinunaw ang kanyang plastik na laruang eroplano sa microwave oven. Nitong tanghali, nang nagluluto ako, nasunog at naging uling ang adobong niluluto ko. Nalimutan ko kasi, dahil pinilit kong linisin ang baha ng tubig sa sahig hanggang sa kuwarto, nang umapaw ang tubig sa kubeta. Kaninang hapon naman, dumating si Maxy na panganay natin, may dalang sulat mula sa prinsipal ng paaralan niya, na nagsasaad na may ginulpi si Maxy na isang kaeskuwela. Pinapupunta tayo bukas sa paaralan, dahil nagrereklamo ang ama ng bata sa tinamong gulpi ng kanyang anak. Ang nanay ko naman, ay muling tumawag sa telepono at nanghihiram ulit ng malaking pera, dahil nais tubusin ang kanyang mga alahas sa sanglaan, mareremata na daw.

Papaano ba ito, hu- hu-hu. A-at n-ngayyon, isa ka pa ... darating ngayong gabi sa bahay, lasing pa!"
Kung nais magpakilala, simplehan lamang nang magustuhan – at hindi paghinalaan na may kabulastugan.

No comments:

Post a Comment