Pabatid Tanaw

Sunday, February 09, 2014

Mahalin ang Aking mga Pamilya



Ang Pag-ibig lamang ang makakagawa na makita natin ang karaniwang mga bagay sa isang ekstraordinaryong paraan.
                                                                                        
Walang makakagawa sa uri at antas ng pagmamahal na ipinagkakaloob ng sariling pamilya. Kapag dumarating ang mga pangangailangan, sakuna, at mabigat na karamdaman. Tanging sariling pamilya lamang ang nananatili sa iyong tabi; nagmamahal, umaaruga, umuunawa, at buong pusong nagmamalasakit. Yaong iba, panandalian at mga komentaryo lamang.

Upang ganap na malinawan, isapuso ang mga ito:
   Marubdob na mahalin ang iyong sariling mga pamilya nang buong higpit at walang pagmamaliw. Mahalin ang pamilyang nilitawan at nagpalaki sa iyo. Mahalin ang pamilyang pinili at sinamahan mo. At mahalin ang pamilyang iyong binuo at nilikha at patuloy na itinataguyod. 
   Para sa pamilya na kung saan ako ay nanggaling: Maging magiliw at malapit sa isa’t-isa. Dakilain ang aking mga magulang. Mahalin ko ang aking mga kapatid, mga lolo, at mga lola sa magkabilang panig ng pamilya. Igalang ang kanilang mga pagkakamali, mga kahinaan, at mga kabiguan sa buhay. Tanggapin ang kanilang mga kasalanan at magpatawad. Hindi sila perpekto at bahagi ng buhay ang mga kamalian bilang mga leksiyon para matuto. Maging mapayapa, nagkakasundo, at may pagmamahalan sa bawa’t miyembro ng aking pamilya, Makipagtalastasan. Ipagpatuloy ang komunikasyon sa isa’t-isa hanggang makakaya. Maglaan ako ng panahon at gawing regular ang mga kamustahan at masasayang mga balitaan. Hindi sila makakasama ko sa lahat ng panahon. Sa anumang sandali ay may yayao  at  mawawala na. Ang mga katagang nais na maipahayag ay kailangan sambitin ko na ngayon. Iliban ang ilang pansariling aktibidad at tamasahin ang bawa’t sandali na makasama sila. Ang madama ang matiwasay na koneksiyon sa lahat ng miyembro ng aking pamilya.
   Para sa pamilya na aking nilikha: Buong puso at walang pag-aalinlangan na pakamahalin ko ang aking asawa at ibuhos ang marubdob na dedikasyon sa aking mga anak. Maging maingat at pantay sa lahat ng mga bagay. Pinalalakas, pinatitibay, at pinatatag sa araw-araw ang aming mga pagsasama bilang isang moog na kailanman ay hindi mabubuwag. Palagi kaming magkasama sa mga lakaran, mga pagdiriwang, at mga paglilibang. Laging naroon ako kapag sila ay may kailangan, patuloy na dumaramay at nangangalaga. Huwag aksayahin ang bawa’t oportunidad na hindi ko mabigkas ang mga katagang minamahal ko sila. Ang magkasama kaming lahat na magbakasyon sa mga pook na hindi pa namin nararating kahit na hindi makayang gastusan ang mga ito. Tratuhin ang bawa’t isa nang walang sawang pagmamahal, may paggalang, pag-aaruga, pag-iingat, at walang mga kundisyon at anumang mga kahatulan sa lahat ng sandali.
   Para sa pamilya na aking sinamahan: Ang mga matatalik na kaibigan na aking pinili at pinagkakatiwalaan, na lagi kong kasama sa mga kasayahan at kalungkutan, sa mga kaligayahan at kapighatian. Ang patuloy naming pagkakaisa at pagdadamayan ay nananatili nang walang pagkupas. Sila ang ugat ng aking mga kalakasan at katiwasayan. Itinalaga ko na makaramay sila, laging may pagtutulungan, nagbibigayan, at may samahan. Tinatangkilik ang bawa’t isa nang walang mga kundisyon at hinihinging anumang kapalit. Mapagbigay, mapagpatawad, at mapaglingkod sa lahat ng sandali. Ito ang kapatiran na nagtatanggol at nakikipaglaban para sa aming mga kapakanan.


   Ang mga pamilyang ito ang tunay at wagas na bumubuo sa aking pagkatao. Kung wala sila, maihahambing ko ang aking sarili sa isang tuyot na patpat na patuloy na inaanod ng rumaragasang tubig sa ilog, at sa anumang sandali ay babangga sa batuhan. Ayokong mangyari ito sa akin. Upang makaiwas, kailangan kong patuloy na magmahal; Ngayon, sa araw na ito, Bukas, at Kailanman.

No comments:

Post a Comment