Pabatid Tanaw

Thursday, September 26, 2013

Hintuan na!

Habang patuloy na nagagalit, ay patuloy ding pinarurusahan mo ang iyong sarili. Ang panatilihin ang pagkagalit ay katulad ng pagsambot sa nagbabagang uling na may intensiyong ipukol ito sa kinagagalitan; ikaw mismo ang napapaso at tuluyang masusunog. Problema na huwag nang problemahin pa, sa halip gawan ito ng solusyon. Ang problema ay hindi pinag-uusapan, kundi ginagawan ito ng solusyon.
   Ang wastong paraan ay iparating sa mga kinauukulan, ang anumang nagpapagalit o lumiligalig sa iyo. Habang pinapasan mo ang bigat nito, lalo kang mahihirapan, at sa kalaunan ay siyang magpapahamak sa iyo. Kung wala kang pakialam sa mga kaganapan sa iyong kapaligiran, katibayan lamang ito na tinatanggap mo at may pahintulot ka sa mga karahasan, mga kabuktutan, at mga kababuyang nagaganap. Dahil kung sadyang nagagalit ka, ilalantad mo ito at tahasang ipapahayag ang tunay mong saloobin. 
   Anumang bagay na nais mo ay makakagawa ka ng maraming paraan, at kung ito naman ay hindi mo gusto, ay marami kang magagawang kadahilanan. Anupa't makikilala ka sa iyong mga gawa, at hindi sa iyong winiwika. Madali ang magsalita at magbitaw ng mga pangungusap, subalit ang higit na may batayan ay nasaan ka noong kailangan ka ng bayan? Nasa harap ng telebisyon at may artistang kinababaliwan. Basketbol ang libangan at pulitika ang aliwan. Hindi naman kataka-taka na ikaw ay mapag-iwanan at magalit kapag nasa kahirapan. Gayong ang nararapat na sisihin ang iyong pagiging makasarili at walang katuturan sa mga taghoy at panawagan ng iyong bayan!

Ano ba ang ikina-iinggit at ikinagagalit mo? Ang tagumpay ng iba o ang mga kabiguan mo?
 

No comments:

Post a Comment