Pabatid Tanaw

Thursday, September 26, 2013

Itigil na!


Kapag sumilakbo na ang galit, at wala na sa direksiyon ito, mangyaring pakaisipin ang kakahinatnan nito. Sapagkat sa pagkakataong ito, na ikaw ay nalilito, maraming bulaan na samahan ang hihikayat sa iyong makiisa sa kanilang mga layunin. Mayroong nasa kaliwa, may naroon sa mga banal, may bayaran, may  nakikiayon nang walang nalalaman, at ang may mag-usisa lamang. Ito ang tamang pagkakataon upang kapain mo ang iyong kaibuturan.
    Ang tamang sundin ay ang iyong puso, kung nasaan ang pag-ibig ay doon ka pumunta. Ang mabatid kung ano ang tama at hindi gawin ito ay karuwagan at malaking pagkakasala. Nangyayari lamang ang mga kasamaan kung wala ng kabutihang umiiral. Hindi sakdal ang mga tao, anumang sandali ay magkakamali ito, at nasa iyong paghatol at isinukling kahulugan makikilala kung ito ay mabuti o masama. Subalit kung puso ang siyang mangingibabaw, kailanman ay hindi ka maliligaw. Sapagkat uunahin mong higit ang kapakanan ng nakakarami kaysa kakaunti na laging pagsasamantala ang inaatupag at hindi ang kagalingang pambayan.
    Sa tatlong paraan ay matututuhan natin ang kawatasan: Una, sa repleksiyon, na siyang kagalang-galang; Pangalawa, sa panggagaya, na siyang pinakamadali; at Pangatlo, sa karanasan, na siyang pinakamapait. Alinman dito ay magagawa mo, at ang iyong pinili ang susundin mo. Ang pagpili nang walang kaisipan ay naaksayang kapaguran. Ang kaisipan nang walang napag-pilian ay kapahamakan. Kung pipili din lamang, piliin na yaong may makabuluhan at makapagpa-paunlad sa iyong kapakanan.

Ang tunay na kaalaman ay malaman ang saklaw ng iyong kamangmangan.

No comments:

Post a Comment